TAGAYTAY- NAGSAGAWA kamakailan ang DOST-Cavite ng pagsasanay sa Basic Food Hygiene sa mga empleyado ng Taal Vista Hotel para sa ligtas na paghahanda ng kalidad na pagkain.
Nanguna sa nasabing pagsasanay si Gng. Anna Marie S. Daigan, Senior SRS, isang miyembro ng Food Safety Team ng DOST-CALABARZON, tinalakay nito ang ibat-ibang paksa tungkol sa kaligtasan ng pagkain gaya ng kahalagahan, benepisyo mga prinsipyo at gabay sa pagpapatupad ng personal na kalinisan, sanitation ng kagamitan, tamang paghuhugas ng kamay, impormasyon sa produkto, at iba pa.
Ang pagsasama ng DOST-Cavite at Taal Vista Hotel ay isa sa mga estratehiya ng ahensiya upang ipakita ang kanilang adhikain na mapabuti ang mga pamamaraan sa kaligtasan ng pagkain.
Samantala, layunin ng DOST na maglaan ng mga programa at aktibidad na nagbibigay aksyon upang maiwasan, madiskubre, at pamahalaan ang mga panganib sa kalusugan dulot ng pagkain.
Ang inisyatibong ito ng ahensya ay naglalaan sa seguridad ng pagkain, kalusugan ng tao, kaunlarang pang-ekonomiya, oportunidad sa merkado, at pag-unlad na matatag. SID SAMANIEGO