IPATATAWAG sa Senado ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ukol sa nangyaring pagsadsad ng Xiamen Air sa Ninoy Aquino International Airport na naging perwisyo sa mga pasahero dahil sa mabagal na pagtugon ng gobyerno sa insidente.
Sa ipinalabas na advisory ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe, magsasagawa ito ng pagdinig sa darating na Agosto 29, Miyerkoles sa mga inimbitahang opisyal ng ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong sektor na sangkot sa nasabing insidente.
Nangunguna sa listahan na inimbitahan ng Senado sina Transportation Secretary Arthur Tugade, Manila International Airport Authority General Manager Eddie Monreal, Civil Aviation Authority of the Philippines Director General Jim Sydiongco, Civil Aeronautics Board Executive Director Carmelo Arcilla, Clark International Airport Corp. President and Chief Executive Officer Alexander Cauguiran, Philippine Overseas Employment Administration Chief Bernard Olalia at Philippine Amusement and Gaming Corporation Chairperson and Chief Executive Officer Andrea Domingo.
Sa panig naman ng pribadong sektor ay pinatawag ng Senado sina PAL Holdings Inc. President and Chief Operating Officer Jaime Bautista, CebGo Inc. President and Chief Executive Officer Alexander Lao, Air Asia Philippines Chairperson Marianne Hontiveros, Xiamen Airlines at iba pa.
Umabot sa 36 na oras ang clearing operation o bago naialis ang eroplano ng Xiamen Air sa runway. VICKY CERVALES
Comments are closed.