DOT MAGHIHIGPIT SA FOREIGN TRAVELS

DOT TRAVELS

REREBYUHIN  ng Department of Tourism (DOT) ang  guidelines hinggil sa foreign travels ng kanilang mga opisyal at personnel.

Ito’y kasunod ng pagpuna ng Commission on Audit (COA) sa umano’y maluhong mga biyahe ng kanilang mga opisyal noong nakaraang taon.

Sa isang kalatas, nilinaw naman ng DOT na ang lahat ng biyahe ng kanilang tanggapan ay pawang opisyal at nakasunod sa mga panuntunan ng gobyerno.

Ngunit dahil nagkaroon ng ganitong kontrobersiya, tiniyak ng DOT sa COA na handa silang silipin ang guidelines na sinunod ng dating liderato nito.

“While the Department of Tourism reiterates that all travels were official in nature and have adhered to government procedures, it assures the COA that it will review and revisit the agency’s existing guidelines on foreign travels of its officials and personnel issued January 2018,” bahagi ng pahayag ng DOT na inis­yu kahapon.

Ayon pa sa DOT, bukas din sila sa paglalabas ng mas mahigpit na  guidelines o pagbalangkas ng bagong bersiyon ng mga guideline, na higit na makatutugon sa kanilang mandato na makalikha ng magandang imahe ng Filipinas sa international community at makapagsulong ng positibong global view ng bansa.

Nauna rito, inihayag ng COA na nakakita sila ng mga iregularidad sa mahigit P2 bilyong mga transaksiyon ng ahensiya sa ilalim ng pamumuno ng nagbitiw na si Secretary Wanda Teo.

Sinabi ng COA na bumiyahe si Teo sa may limang international destinations noong nakaraang taon, kabilang ang Berlin, Germany; Bangkok, Thailand; Istanbul, Turkey; Singapore, at South Korea, at tumanggap umano ng kabuuang daily subsistence allowance na P857,961.95.

Bukod dito, nakakuha rin umano si Teo at 93 iba pang DOT officials ng traveling allowances na nagkakahalaga ng P19.29 milyon, sa kabila ng kawalan ng espesi­pikong guidelines hinggil dito mula sa central office.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.