MATAPOS na lumutang ang balitang ibabalagbag o susunugin na lang ng isang transport organization ang kanilang mga traditional na passenger jeepeney ay inihayag ng Department of Transportation na kanilang dodoblehin ang equity subsidy para sa mga operator na lalahok sa Public Utility Vehicle Modernization Program.
Base sa nilagdaang Department Order ni Transport Secretary Arthur Tugade mula sa dating P80,000 ay gagawing P160,000 kada unit ng modern jeep ang ibibigay na ayuda ng pamahalaan.
Nilinaw ng kalihim na ang kanilang ipagkakaloob na nasabing equity subsidy ay sa mga PUV operators na may valid franchise.
Sinasabing kasama rin sa bagong subsidy scheme ang mga PUV operator na nag-aapply para sa bagong ruta sa ilalim ng Omnibus Franchising Guidelines.
Ayon kay Tugade, layunin nito na matulungan ang mga driver at operators na makaagapay sa transition ng mga luma at bulok na jeep patungo sa mga modern jeepneys lalo ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mabibiyayaan ng pinataas na equity subsidy ay ang mga nag-apply noon pang Hulyo 31, 2018.
“Retroactive ho ito. Ang ibig sabihin, kahit na nakakuha na ng previous amount, makukuha pa rin ho ng driver o operator ‘yung balanse,” ani pa ni Tugade.
Una rito ay nagpahayag ng pangamba ang ilang transport organization na tuluyan nang ma-phase out ang mga lumang jeep kasabay ng pagkakaloob ng mga regular na ruta ng mga tradisyunal na jeep sa mga modern jeep o ‘yung mga nakatugon sa modernization program.
Welcome development naman ito para kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra at sinabing magiging daan ito upang mas marami ang PUV drivers at operators ang lumahok sa PUV Modernization Program, subalit nangangamba ang mga operators at drivers ng mga tradisyunal na pampasaherong jeep sa Memorandum Circular ng LTFRB na nilagdaan noong Hunyo 19, kung saan para lang sa mga modernized jeep o mga “OFG Compliant” na sasakyan ang inilabas na rutang puwedeng pasadahan kapag naaprubahan na ito ng gobyerno.
“Operators that have complied with the PUV Modernization program and have existing OFG compliant vehicles are given preference with the heirarchy of public transport modes consistent with DOTr guidelines dated May 29, 2020,” ayon sa memorandum. VERLIN RUIZ
Comments are closed.