(DOTr kinalampag) SHORTAGE SA BEEP CARD SOLUSYUNAN

HINILING ni Senadora Grace Poe sa Department of Transportation (DOTr) na gumawa ng epektibong solusyon upang matugunan ang nakaambang problema sa kakulangan ng beep cards para hindi magdusa ang mga komyuter.

Sa pagdinig ng Senate finance subcommittee na pinangunahan ni Poe, sinabi ng mga opisyal ng DOTr na may 400,000 stored-value beep cards ang malapit nang mapaso subalit sapat naman ang suplay ng single-journey tickets na puwedeng bilhin ng pasahero sa bawat oras na sasakay sila sa Metro Rail Transit (MRT) o Light Rail Transit (LRT).

“Pero kung bibili ka ng single-use ticket, magbabayad ka rin naman e mano-mano pa rin. Hindi ‘yan solusyon,” diin ni Poe.

Paliwanag ng mga opisyal ng DOTr, hindi maaaring bumili ng maaga ang mga mananakay ng single-journey tickets at kada bili nila nito, maaari lamang itong gamitin sa loob ng dalawang oras.

“‘Wag nang dagdagan ng palamuti ang mga salita ninyo. Kaya ka nga bibili ng ilan para maiwasang pumila, e pipila ka pa rin to get that…What is our contingency para hindi na pipila,” tanong ni Poe.

Ayon sa DOTr, isa sa mga solusyon ay ang paglalagay ng makina na magpapalawig sa expiry date ng stored-value ticket sa loob ng isang taon at ang mga pasahero ay maaring pumunta kahit saang istasyon para magpa-extend ng expiry ng kanilang card.

Dagdag pa ng DOTr, may ilang mananakay ang may higit sa isang stored-value card at may programa sila na humihikayat sa publiko na ibahagi ang kanilang beep card sa kanilang pamilya o kaibigan.

Kasalukuyang pina-pilot test ng DOTr ang pagbabayad ng pasahe sa pamamagitan ng QR ticketing code gamit ang cellphones sa LRT.

“Puwede ba ninyong tapusin ‘yan sa lalong madaling panahon bago pa aktuwal na maramdaman ang kakulangan,” ani Poe. VICKY CERVALES