DOTR: LTFRB LAMANG ANG MAKAKAPAG-SET NG PASAHE AT CHARGES NG TNCs

DOTr-LTFRB

ANG Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang may saklaw at full authority na makapag-regulate at makapagpasiya ng fare rates na ipinapataw ng transport network companies (TNCs).

Ayon sa huling order ng Department of Transportation (DOTr), ang LTFRB ang may karapatan na magpasya, mag-atas at mag-apruba at patuloy na mag­repaso periodically review at mag-adjust ng tamang pasahe, presyo at iba pang related charges ng TNCs.

Sinabi ng isang opisyal ng DOTr na ang kopya ng  department order ay ire-release sa “Baka bukas.  Wala kasing pasok ngayon. Hinihintay ko na malagyan ng barcode and stamp.”

“Ang pasahe para sa Transport Network Vehicle Services (TNVS) ay pagpapasyahan ng LTFRB, matapos ang public hearing o konsultasyon sa TNCs at TNVS,” ayon sa kautusan.

Ang TNCs ang nagbibigay ng pre-arranged transportation services gamit ang digital platform, samantalang ang TNVS naman ang tungkol sa TNC-accredited private vehicle owner.

Sa hiwalay na pahayag kamakailan, sinabi ng DOTr  na ang bagong department order ay nagpapabago at pumalit sa DO No. 2015-011, na pumapayag sa TNCs na mag-set ng kanilang sariling halaga ng pasahe na dapat ay alam ng LTFRB.

“Hindi naman yata tama ‘yun. You can’t engage in the business of public transportation and determine your own fares, your own rules,” pahayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade.

“Naiintindihan natin na mayroon silang negos­yong pinoprotektahan, ngunit responsibilidad din ng estado na protektahan ang kapakanan ng mga commuter.”

Binigyan ng DOTr ang LTFRB ng total authority para ma-regulate at ma-supervise ang TNCs at ang kanilang TNV partners sa ilalim ng bagong order.

Sa ilalim ng batas, gawain ng LTFRB ang mag-regulate at mag-monitor ng pagtupad ng TNCs at TNVS na may polisiya, batas, at regulasyon. Pa­ngunahing gawain nito ay mag-isyu ng prangkisa, mag-set ng ruta, operating conditions, maggawad ng multa, magsuspende at magkansela kung kinakailangan.

Siniguro ng LTFRB ang TNCs at ang mga publikong mananakay na ang public hearings at konsultas­yon ay isasagawa bago mai-adjust at maisagawa ang rate ng pasahe.

“Ayaw na nating maulit ‘yung nangyari noong mga nakaraang taon kung saan sila [TNCs] lamang ang nagdidikta sa presyo ng kanilang pasaheng sini­singil. Ayaw na rin natin maulit ‘yung sobra-sobrang surge sa pricing lalo na kapag peak hours. Kawawa naman commuters natin na walang laban,” pahayag ni LTFRB Chairman Martin Delgra III.

Kinikilala ng DO ang nagawang papel ng TNCs at TNVS sa pagbibigay ng transport services sa publiko.

Binigyang-diin ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Tim Orbos na kailangan ang state regulation para masiguro na mapoprotektahan ang interest ng lahat ng partido, lalo na ang publikong pasahero.

“Ibang usapan na kapag may buhay na nakasalalay sa negosyo mo. Itama natin ‘yung mga maling nakasanayan. We will regulate to ensure that our commuters will be safe and protected. Ayaw namin na may madedehado,” sabi ni Orbos.

Comments are closed.