NAGPASALAMAT si ACT-CIS Cong. Eric Go Yap sa pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa mabilis na pag-tugon sa problema ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nasa dalawang barko ng 2GO para sumailalim quarantine procedure.
Matatandaan na naunang lumapit sa ACT-CIS partylist at sa Erwin Tulfo Action Center ang mga OFW para ireklamo ang paniningil umano sa kanila ng P180 kada araw sa loob ng naturang barko.
“Ako ay nagpapasalamat at sa bandang huli nauwi sa maganda ang reklamo ng ating mga kabababayang OFW Marino. Nagpapasalamat din ako sa magandang naging tugon ng DOTr ukol sa problema,” ayon kay Yap.
Sinabi ni DOTr Spokesperson Asec. Goddes Hope Libiran, sinagot na ng Coast Guard at Marina ang mga gastusin ng lahat ng OFW sa loob ng barko, kabilang na ang mga pagkain, tubig at iba pang mga pangangailangan ng mga ito at hindi na rin sisingilin ng mga bayarin.
Pinaliwanag din ng DOTr na ang P180 na sinisingil noon sa mga OFW Marino ay para sa pagkain na inihahanda ng 2GO sa loob ng barko. Pero iginiit nito na hindi ito pilitan at kung sino lamang ang gustong mag-avail ng pagkain.
Nito lamang isang araw, inanunsyo rin ng may-ari ng 2GO shipping vessels na hindi na rin sila maniningil sa mga OFW Marino na nagka-quarantine sa kanilang dalawang barko.
Siniguro naman ng DOTr na maayos na ang lagay ng mga OFW at kumpleto na ring naibibigay ang pangangailangan ng mga ito habang naka-quarantine.
“Dapat na tayong magmove-on ang mahalaga rito ay maayos na ang lagay ng ating mga kababayang OFW Marino,” dagdag ni Yap. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.