DAPAT makatanggap ng doble sa kanilang arawang suweldo ang mga manggagawa na magtatrabaho o magseserbisyo sa mga naideklarang regular holiday sa buwan ng Abril, ayon sa Department of Labor and Employment.
Batay sa Labor Advisory No. 8, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mayroong mandato ang mga employer na bayaran ng doble ang kanilang manggagawa na papasok sa trabaho sa Abril 9, 14 at 15 – na idineklarang mga regular holiday.
Itinatakda ng advisory ang panuntunan para sa tamang pagbabayad ng suweldo sa mga manggagawa sa pribadong sektor kasunod ng inisyung Proclamation No. 1236 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na idineklara ang Abril 9, 2022, para sa pag-alala sa Araw ng Kagitingan; Abril 14 (Maundy Thursday); at Abril 15 (Good Friday) na mga regular holiday, at ang Abril 16, Black Saturday, bilang special non-working holiday.
Nakasaad sa advisory na ang mga sumusunod ang panuntunan sa pagpapasahod para sa mga regular holiday sa Abril 9, 14, at 15:
Para sa mga empleyado na hindi nagtrabaho ay babayaran ng 100% ng kanyang sahod sa nasabing araw [(arawang sahod + COLA) x 100%], kung nagtrabaho ang empleyado ng regular holiday, dapat siyang bayaran ng 200% ng kanyang sahod para sa unang walong oras [(arawang sahod + COLA) x 200%].
Para sa overtime work (ginampanang trabaho na higit sa walong oras), dapat bayaran ang empleyado ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita [orasang kita ng arawang sahod x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho].
Sa kabilang banda, ang empleyado na nagtrabaho ng regular holiday at ito rin ay araw ng kanyang pahinga ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod na 200% o [(arawang sahod + COLA) x 200%] + [30% (arawang sahod x 200%)].
Ang mga empleyado naman na nag-overtime ng regular holiday at ito rin ay araw ng kanyang pahinga ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita sa nasabing araw [orasang kita ng arawang sahod x 200% x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho].
Habang sa Abril 16, isang special non-working day, ang mga sumusunod ay ang panuntunan sa pasahod:
Kung ang empleyado ay hindi nagtrabaho, ang patakaran na ‘no work, no pay’ ang dapat gamitin maliban lamang kung may polisiya ang kompanya o collective bargaining agreement (CBA) na nagtatakda ng kabayaran para sa special holidays.
Ang patakaran para sa mga nasabing holidays para sa ginampanang trabaho, dapat bayaran ang empleyado ng karagdagang 30% ng kanyang arawang sahod para sa unang walong oras o [(Arawang Sahod x 130%) + COLA].
Habang ang trabahong ginampanan ng mahigit sa walong oras (overtime), siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 130% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)].
Para sa trabahong ginampanan sa mga nasabing araw na siya ring araw ng pahinga ng empleyado, dapat siyang bayaran ng karagdagang 50% ng kanyang arawang kita para sa unang walong oras, o [(Arawang sahod x 150%) + COLA].
Samantalang para sa trabaho na mahigit sa walong oras (overtime), siya ay dapat bayaran ng karagdagang 30% ng kanyang orasang kita, o [(Orasang kita ng kanyang arawang sahod x 150% x 130% x bilang ng oras na trinabaho)]. PAUL ROLDAN