PATAY ang isang lalaki habang nasa kritikal naman na kalagayan ang isa pa matapos ang magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Caloocan City.
Sa nakarating na ulat sa tanggapan ni Caloocan Police na si P/Col. Noel Flores, bandang alas-1:10 ng Biyernes ng hapon nang barilin ng isa sa dalawang hindi nakilalang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo ang hindi rin kilalang biktima sa kahabaan ng 6th Avenue corner M.H. Del Pilar St. Brgy. 113.
Agad na binawian ng buhay ang biktima na tinatayang nasa edad 40-45 sanhi ng tinamong tama ng bala sa batok, habang mabilis namang tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente
Samantala, ginagamot naman sa Caloocan City North Medical Center sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan si Jonnelle Vergara, 32, matapos pasukin sa loob ng tinitirhang bahay ng biktima sa 1647 Area B Ilang-Ilang St. Brgy. 174, pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek.
Sa pahayag sa pulisya ng ina ng biktima na si Annabelle Arsenal, natutulog siya sa loob ng kanilang bahay nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril at nang kanyang alamin nakita nito ang anak sa loob ng kuwarto nito na duguan sanhi ng mga tama ng bala na naging dahilan upang mabilis na isinugod sa naturang pagamutan.
Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya sa posibleng pagkakilanlan at pagkaaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang tunay na motibo sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril. EVELYN GARCIA