MAY sariling selebrasyon ang mga overseas Filipino worker (OFW) kapag sumasapit ang Taiwan National Day (Double Tenth Day) tuwing October 10. Kakaiba ang estilo ng 500 OFWs sa Taiwan na miyembro ng Jesus is Lord (JIL) kapag Double Tenth Day. Walong grupo (district) ang nagtitipon-tipon sa malawak na oval stadium ng Taoyuan Country Junior High School para sa kanilang 8th Sports Festival na may temang “Katuwaan”. May mga itinagalang OFW na maniningil ng NT$200 bilang entrance fee at pagkain kasama na ang bottle drinking water.
Nagsimula noong 2011 ang bonding o pagkakaisa ng mga OFW dahil na rin sa layunin ng mga organizer na sina Mark Gonzaga, Joe-V Agbayani, Manny Cruz, Gesamine Tangalin, Venus Mercado, Maricel Hernandez, Reynaldo Tullao at si Leo Manrique na pawang OFWs. Animo’y “Palarong Pambansa” ang inilatag na sport fest na nilahukan ng 500 hanggang 600 OFWs sa Taiwan. Sinimulan ang makulay na sport fest bandang alas-10 ng umaga kung saan nag-parade sa oval stadium. Ipinamalas ng mga OFW ang kahusayan sa cheering squad competition na kanya-kanyang estilo sa pagsasayaw. Walang paglagyan ang kasiyahang namutawi sa mukha ng mga OFW kapag magsisimulang tawagin ang koponan ng cheering squad.
May iba’t ibang kulay ang uniporme na may apelyido sa likuran ng t-shirt ang bawat manlalaro. Hindi matatawaran ang kasiyahan ng mga OFW na bagama’t pagkakataon namang magpahinga mula sa maghapong trabaho ay sinikap na magkita-kita tuwing sasapit ang Double Tenth Day. Kabilang sa koponang lumahok sa sports fest ay ang grupo mula sa Taoyuan District, Kuanyin, Neili, Longtan, Sancitin, Nankan, Yangmei at ang Chungli District na pawang nasa New Taipei City. Walang pinagkaiba ang sports fest ng mga OFW sa palarong ginaganap ng mga estudyante sa Maynila at karatig lalawigan.
Kabilang sa mga palarong nilahukan ng may 500 OFWs ay ang kinagigiliwang basketball, volleyball, badminton, running (500m relay), hula-hoop, at iba pa. Hiwalay ang kababaihan at kalalakihan kapag idinaraos ang isa sa nabanggit na palaro at may inilaang tropeo sa mga nanalong koponan. Walang puknat na sigawan, hiyawan, kantiyawan ang umaalingawngaw kapag may nanalong koponan ng kababaihan at kalalakihan. Hindi matutumbasan ng malaking halaga ang kasiyahang naramdaman ng mga OFW na idinulot ng nabanggit na palaro. Kanya-kanyang selfie at video sa tuwing ikakasa ang ilan sa mga palarong basketball ng mga kalalakihan at volleyball naman sa kababaihan.
Nakapukaw rin ng pansin sa mga Taiwanese junior high school ang mga nabanggit na palaro kung saan maging sila ay naghiyawan. Tahimik ang paligid ng stadium at ramdam ang seguridad kung saan walang outsider na nakihalubilo dahil na rin sa pinaiiral na disiplina ng nabanggit na eskuwelahan. Malinis ang mga palikuran at basurahan. Maging sa pagtatapon ng basura ay disiplinado dahil may lagayan ng pagkaing natira, prutas, karton, papel, plastic at chopstick. Payapang nairaos ang sports fest bandang alas-6 ng gabi kung saan ipinamahagi ang mga gintong tropeo na may tatlong talampakan ang taas sa mga nagwaging koponan ng kalalakihan at kababaihang OFW.
Nagsisimula ang Taiwan National Day (Double Tenth Day) sa tuwing October 10 at may kanya-kanyang estilo sa pagdiriwang ang bawat lalawigan. Pinakaaabangan ng mga Taiwanese at dayuhang turista ay ang firework event na tumatagal ng isang oras sa Taipei City. Walang lalawigan sa Taiwan ang may firework event.
Base sa tala, aabot sa anim na libong OFWs na miyembro ng JIL ang nasa Taiwan at nagtitipon-tipon kapag sumasapit ang Chinese New Year ng taon. May isang linggong sarado ang lahat ng pabrika at commercial area sa pagdiriwang ng nasabing okasyon kaya may pagkakataong dumalo ang mga OFW sa itinakdang pagtitipon na ginaganap sa lalawigan ng Taichong na sinasabing pinakasentro ng Taiwan.
Comments are closed.