DOUBLE TREAT KAY HIDILYN SA PSA AWARDS NIGHT

DALAWANG parangal ang tatanggapin ni Olympic gold medal winner Hidilyn Diaz sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night na gaganapin sa Marso 14 sa Diamond Hotel.

Ang 31-year-old history maker mula sa Zamboanga City ang kauna-unahang recipient ng MILO Champion of Grit and Glory award sa pagwawagi ng kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa.

Ang tropeo ay bukod sa prestihiyosong Athlete of the Year award na igagawad sa Filipina weightlifter sa two-hour affair na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at  Cignal TV.

“MILO Philippines presents the award to Hidilyn Diaz in recognition of her historic Olympic triumph, borne of her unwavering spirit, dedication, and grit that serve as a beacon of hope and inspiration for the nation,” sabi ng MILO sa isang statement hinggil sa pagkakapili kay Diaz bilang karapat-dapat na tumanggap ng special award.

Bilang bahagi ng package, si Diaz way tatanggap din ng isang taong supply ng MILO products.

Dadalo sa okasyon ang mga opisyal ng MILO, sa pangunguna nina Veronica Cruz, Senior Vice President, Business Executive Officer, MILO Philippines, at Lester P. Castillo, Assistant Vice President, Head of MILO Sports, MILO Philippine, upang iabot ang  tropeo sa kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa.

Pangungunahan ni Diaz ang 38 awardees na pararangalan ng pinakamatandang media organization sa bansa sa traditional gala night na suportado ng MILO (official choco milk), 1Pacman, Philippine Basketball Association (PBA), Philracom, Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, Smart, at MVP Sports Foundation.

Tatanggapin ng Filipina weightlifter ang kanyang ikatlong Athlete of the Year trophy. Una siyang nagwagi ng award noong 2016 at 2018.