NILINAW ng Department of Public Works and Highways-Cagayan 3rd District Engineering Office (DPWH-CTDEO) ang pagkasira ng retaining wall ng Tuguegarao-Enrile Diversion Road sa Barangay Alibago sa bayan ng Enrile sa Cagayan.
Ang proyekto na tinawag na Organizational Outcome 001: Ensure Safe and Reliable National Road System – Network Development Program – Construction of Bypass and Diversion Road – Tuguegarao-Enrile Diversion Road na layuning magbigay ng alternatibong ruta upang mabawasan ang trapiko sa lumang Buntun Bridge.
Ayon kay Esmeralda O. De Guzman, OIC Office of the District Engineer, ang unang bahagi ng proyekto noong Marso 8, 2022 na may pondong P91.4 milyon mula sa General Appropriations Act (GAA).
Saklaw nito ang road opening, reinforced concrete retaining wall, reinforced concrete pipe culverts, tatlong-barrel reinforced concrete box culverts para sa drainage at isang overpass bridge.
Natapos ang unang bahagi noong Disyembre 31, 2023 na may 620-metrong bukas na kalsada at 20-metrong lapad na carriageway.
Gayunpaman, hindi pa bukas sa publiko ang proyekto dahil hindi pa natatapos ang approaches na magdurugtong sa pangunahing tulay na kasalukuyang itinatayo.
Bumagsak ang itaas na bahagi ng retaining wall nitong Disyembre 4 dahil sa pagkababad sa tubig ulan at wala pang Portland Cement Concrete Pavement (PCCP) na magsisilbing pananggalang laban sa pagtagos ng tubig dahil ito ay ipatutupad sa susunod na taon.
Nilinaw ng DPWH na ang pinsala sa retaining wall ay hindi nakaapekto sa stability at structural integrity ng overpass bridge.
Mabilis na nagsagawa ng teknikal na pagsusuri ang DPWH at tiniyak sa publiko na ligtas dumaan sa provincial road na nasa ilalim ng overpass bridge.
RUBEN FUENTES