(DPWH kinalampag) SAMAL-DAVAO BRIDGE PROJECT INALMAHAN

KINALAMPAG ni Senadora Risa Hontiveros ang Department of Public Works ang Highways (DPWH) at hiniling na aksiyunan ang reklamo ng mga environmentalist at business group na kumokontra sa pagtatayo ng P23-billion Samal Island-Davao City Connector (SIDC) Bridge.

Ayon kay Hontiveros, tinalakay niya ang isyu sa deliberasyon ng DPWH budget noong 2023 matapos marinig ang reklamo ng mga maaapektuhan ng nasabing proyekto.

Aniya, dapat ibahin ng DPWH ang disenyo ng proyekto bukod sa dapat magsagawa rin ng konsultasyon sa iba’t ibang stakeholders.

“The DPWH should do both of those things,” sabi ni Hontiveros sa isang press conference noong Lunes.

“I asked the DPWH about it during the last budget hearing and they promised to do an environmental impact study.

The oppositors have pointed out that there’s an alternative site for the project,” dagdag pa ng senadora. Sabi ni Hontiveros, kontra ang iba’t ibang grupo sa naturang proyekto dahil sa magiging epekto nito sa kalikasan, partikular sa coral reefs at mangrove areas sa Samal Island.

Sa isang pag-aaral ng isang Japanese group, mas makabubuti umano kung ililipat ang landing site ng tulay sa government-owned property sa Davao side. “Why will the DPWH risk the coral reefs and mangroves if there are alternative sites and design for the project?” tanong ni Hontiveros.

“If there are criticisms, findings, recommendations and alternatives, why don’t they consider it? The DPWH should deliver on their promise to do an environmental impact study,” dagdag pa niya.

Ang SIDC ay isa sa mga pangunahing infrastructure projects ng dating Duterte administration. Itinatayo ang proyekto sa Brgy. Limao sa Island Garden City ng Samal, at Brgys. Vicente Hizon, Sr. Angliongto at R. Castillo sa Davao City. Ang proyekto, na pinondohan mula sa utang mula sa China, ay iginawad sa China Road and Bridge Corporation, isang state-owned construction company. Sinasabi ng mga environmentalist na ang SID bridge foundation sa bahagi ng Samal ay makasisira sa malaking bahagi ng isla, na isang mangrove swamp forest reserve, kaya idineklara ito bilang isang “protected area.”

-VICKY CERVALES