TUMANGGAP ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng prestihiyosong Grand Prize sa 2024 Excellent Structure Awards ng Korean Institute of Bridge and Structural Engineering (KIBSE) para sa Panguil Bay Bridge Project.
Sa pangunguna ni DPWH Senior Undersecretary Emil K. Sadain na nagsisilbing National President ng Philippine Institute of Civil Engineers (PICE) ay nakuha ang parangal noong Oktubre 16 habang pinangunahan niya ang delegasyon ng DPWH at PICE sa ika-50 anibersaryo at national convention ng Korean Society of Civil Engineers (KSCE) na ginanap sa Jeju Island, South Korea.
Kasama sa delegasyon sina Undersecretary Eric A. Ayapana; Assistant Secretaries Nerie D. Bueno at Rey Peter B. Guille; Project Directors Benjamin A. Bautista, Ramon A. Arriola III, Rodrigo I. Delos Reyes, Teresita V. Bauzon, Soledad R. Florencio, Sharif Madsmo H. Hasim, Virgilio C. Castillo at Stakeholders Relations Service Director Randy R. Del Rosario.
Sumama rin mula sa PICE sina Treasurer Albert A. Perfecto; Auditor Michael J. David; at Directors Florencio F. Padernal, Mark Dale Diamond P. Perral, Juanito D. Cunanan, Arlene J. Adlawan, at Robinson A. Salenga II, kasama ang mga dating Pangulo na sina Willy T. Go, Peter Paul Dy at Benito M. Pacheco.
Isa sa mga pangunahing nagawa na binanggit sa okasyon ay ang pagkumpleto ng 3.7-kilometrong Panguil Bay Bridge na pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Secretary Manuel M. Bonoan noong Setyembre 27.
Ang proyekto na pinondohan sa pamamagitan ng Korean official development assistance ay nagpapakita ng mga advanced engineering at construction techniques sumisimbolo sa pag-unlad ng bansa sa ilalim ng programang “Build Better More.”
Ang proyektong ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng DPWH sa paghahatid ng world-class infrastructure para sa mga Pilipino.
Sinabi ni Senior Undersecretary Sadain na ang tulay ay hindi lamang sumisimbolo sa pag-unlad ng impraestruktura kundi pati na rin sa matibay na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea sa pagsusulong ng civil engineering.
Ang PICE ay pumasok sa isang bagong panahon ng pakikipagtulungan, inobasyon at napapanatiling pag-unlad na isinasabuhay ng kanilang tema: “Building Global Partnerships, Bridging Boundaries, and Fostering New Technologies Towards a More Resilient and Sustainable Development.”
Sa pamumuno ni Senior Undersecretary Sadain at sa pakikipagsosyo kasama ang KSCE at Japan Society of Civil Engineers (JSCE) at ang tagumpay ng 2024 Midyear Convention at International Engineering Expo, ang PICE ay naghahanda para sa 50th National Convention at 2nd International Expo sa Oktubre 29-31, 2024 sa SMX Convention Center sa Pasay City.
RUBEN FUENTES