Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa kalawan ng merito ang motion for reconsideration (MR) ng congressional aspirant sa Bulacan na humihiling na baligtarin ang naunang desisyon ng Comelec Second Division na nagdedeklara sa respondemnt bilang isang “nuisance” candidate.
Sa anim na pahinang desisyon, sinabi ng Comelec en banc na wala itong nakitang valid at legal na batayan para pagbigyan ang MR ng respondent na si Jad T. Racal na kandidato sa ika-anim na Distrito ng Bulacan, alinsunod sa Comelec Rules of Procedure.
“The arguments raised by respondent in his Motion were already thoroughly passed upon and incisively examined by the Commission (Second Division), saad sa En Banc resolution.
Sa pagbanggit sa kaso ng La Bugal vs. Ramos, ipinunto ng En Banc na ” ang pagtalakay sa mga isyung ito ay hindi magsisilbi ng anumang kapaki-pakinabang na layunin, dahil ito ay uulitin lamang ang parehong mga katwiran o puntong naipasa na.
“Wherefore, premises considered, the Commission En Banc resolved, as it hereby resolves, to deny the motion for reconsideration. The resolution of the Commission (Second Division) dated 28 November 2024 is affirmed,” ayon pa sa Comelec.
Ang petisyon para ideklara bilang nuisance candidate si Racal ay inihain ni re-electionist Bulacan 6th district Rep. Salvador “Ador” Pleyto.
Sa kanyang certificate of candidacy (COC), sinabi ni Racal, 25, na siya ay isang negosyante at ipinanganak sa Dasmarinas, Cavite at kasalukuyang naninirahan sa MA Fernando, Brgy. Santa, Crus, Angat, Bulacan sa loob ng dalawang taon at dalawang buwan.
Ngunit sa pagsisiyasat ng petitioner, gayunpaman, natuklasan na si Racal ay hindi rin residente sa lahat ng nasabing barangay. Suportado ang pahayag ng pertitioner ng kopya ng kamakailangang census na isinagawa sa Brgy. Sta.Cruz, Angat, Bulacan na sumasaklaw sa taong 2023-2024 kung saan idineklara ng respondent bilang kanyang tirahan, at “walang bakas ng sinumang tao na may apelyidong “Racal”, lalo na, si Jad T. Racal.”
Sinabi ni Racal na siya ay naninirahan sa Bulacan mula pa noong 2023, na nagbibigay ng mga detalye tungkol sa pagbili ng ari-arian ng kanyang pamilya at pagtatatag ng negosyo sa lugar.
Iginiit din niya na siya ay nominado ng Partido Federal ng Pilipinas at nangatuwiran na ang kanyang pagtanggap sa nominasyon ng partido at paghahain ng CoC ay nagpapatunay sa kanyang tunay na intensyon na tumakbo sa pwesto.
Iginiit din ni Racal na wala sa oras ang paghahain ng petisyon laban sa kanya dahil ito ay isinampa lampas noong Oktubre 14, 2024 o lampas sa limang araw pagkatapos ng huling araw ng paghahain ng CoC.
Ngunit sinabi ng Komisyon na naglabas ito ng Resolution 11073 na may petsang Oktubre 11, 2024 na nagpapalawig sa huling araw para sa paghahain ng mga petisyon laban sa mga nuisance candidate hanggang Oktubre 16, 2024.