Mga laro sa Linggo:
(Philippine Arena)
5:45 p.m.- Ginebra vs Bay Area (Game 7)
HINDI pa tapos ang laban.
NALUSUTAN ng Bay Area ang Barangay Ginebra, 87-84, sa Game 6 ng PBA Commissioner’s Cup finals kagabi sa Araneta Coliseum upang maipuwersa ang do-or-die Game 7.
Sumandal ang Dragons sa nagbabalik na si import Myles Powell upang mapigilan ang Gin Kings sa pagsungkit sa korona na huli nilang hinawakan noong 2018.
Mistulang hindi nanggaling sa severe left foot injury, ang dating NBA player ay nagbuhos mula sa bench ng team-high 29 points sa 11-of-20 shooting sa halos 36 minutong paglalaro.
Hindi rin nagpaawat si Hayden Blankley na kumamada ng 23 points sa 8-of-13 shooting at 6-of-10 mula sa 3-point area.
Nanguna si Justin Brownlee para sa Ginebra na may 37-point, 11-assist, 10-rebound triple-double, na sinamahan ng 4 blocks at 4 steals sa 47 minutong paglalaro. Sina Christian Standhardinger at Japeth Aguilar lamang ang iba pang Ginebra players na nagtala ng double-digit scoring na may tig-12 points.
Nag-ambag si reigning MVP Scottie Thompson ng 8 points, 9 boards, 6 dimes, at 5 steals sa loob ng halos 40 minuto, habang hindi nakaiskor si LA Tenorio sa loob lamang ng 18 minuto kung saan tiniis niya ang abdominal strain.
Sa halip na sa Biyernes, ang Game 7 ay gaganapin sa 55,000-seater Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa Linggo, January 15, alas-5:45 ng hapon.
CLYDE MARIANO
Iskor:
Bay Area (87) – Powell 29, Blankley 23, Yang 10, Zhu 10, Lam 9, Liu 4, Reid 2, Zheng 0, Ju 0.
Ginebra (84) – Brownlee 37, J.Aguilar 12, Standhardinger 12, Thompson 8, Pringle 8, Malonzo 4, Pinto 3, Tenorio 0, Gray 0.
QS: 25-20, 50-42, 66-64, 87-84.