DRAIN PIPE SA EL NIDO BINAKLAS

EL NIDO

PINAGBABAKLAS ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang natuklasang drainage pipe na nakalagay sa beachfront zone ng El Nido sa Pala-wan.

Napag-alamang ang naturang pipe na naglalabas ng marumi at mabahong tubig na diretso sa Bacuit Bay ay pag-aari ng Outpost Beach Hostel sa Barangay Corong-Corong kung saan ang naturang establisimiyento ay nakatanggap na rin ng notice of violation mula sa Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR dahil sa direktang pagtatapon nito ng wastewater sa tubig-dagat.

Dulot nito, tuluyan nang ipinatanggal ni DENR Mimaropa Regional Executive Director Henry Adornado ang natuklasang sewage pipeline na may sukat na anim na pulgadang lapad at may habang anim na metro at nakakonekta sa nabanggit na hostel.

Nilagyan na lamang ng buhangin ang pinaghukayan ng tubo habang ang dulo na pinutol ay binuksan upang makakuha ang EMB ng sampling.

Ayon kay Adornado, ang ginawang pagtatago ng hostel ng sewage line ay isang malinaw na pagwawalang-bahala sa kapaligiran at isa rin itong paglabag sa Water Code of the Philippines sa ilalim ng Presidential Decree 1067 at Republic Act 9275 o mas kilala bilang Philippine Clean Water Act of 2004.

“We have no choice but to prevent them from further degrading nature. They are putting the lives of tourists and residents in danger as they continue to pollute Bacuit Bay,” sabi ni Adornado

Nabatid na sa pa­mamagitan ng paggamit ng radar ay natuklasan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng DENR ang mga nakatagong waste pipelines kung saan ay sinimulan ang operasyon noong Marso 18 sa paligid ng El Nido.

Samantala, pinaalalahanan naman ni EMB Regional Director Michael Drake Matias ang mga residente at mga negosyante na ang Bacuit Bay ay isang Water Quality Management Area kaya kinakailangan ang kanilang kooperasyon upang mapanatili ang kalidad ng tubig nito.

“We shall be conducting regular water sampling and analysis not only to Outpost Beach Hostel but also to other establishments to ensure that they do not discharge untreated wastewater into Bacuit Bay,” pahayag pa ni Matias.

Bukod sa nabanggit na hostel, patuloy ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang EMB upang matukoy kung may iba pang nagtatapon sa dagat ng kanilang wastewater.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.