DRAYBER AT PASAHERO, PATAY SA BANGGAAN NG TRUCK AT BUS SA CAMARINES SUR

CAMARINES SUR – NASAWI ang drayber ng truck at isang babaeng pasahero ng bus matapos magbanggaan ang kanilang sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Flordeliz sa bayan ng Milaor sa Camarines Sur kaninang alas 3:00 ng madaling araw, Hunyo 13.

Ayon kay PEMS Arlene Regachuelo ng  Milaor Municipal Police Station, nawalan umano ng kontrol ang drayber ng truck na galing Samar at papunta sana sa Maynila kaya sumalpok ito sa bus na bumibiyahe mula sa Batangas patungong Albay.

Dahil sa bilis at bigat ng sasakyan, nawasak ang unahang bahagi ng truck at nahulog ang drayber  sa kalsada na siyang ikinamatay nito habang ang tsuper naman ng bus ay sumuot sa ilalim ng upuan nang papalapit ang truck.

Ayon sa ulat, residente umano ng Leyte at may address sa Valenzuela ang 36-anyos na pasahero na binawian din ng buhay dahil sa nasabing aksidente.

Kasalukuyang nasa ospital ang anim na biktima kasama ang 9-anyos na bata na nagtamo ng minor injuries.

RUBEN FUENTES