KUNG may dream house tayo, siyempre hindi rin nawawala ang dream bedroom. Kung hindi pa nga naman natin makuha o mabili ang dream house natin, puwede naman tayong magkaroon ng dream bedroom na pasok sa budget.
Sa buong araw nga namang pagpapagod sa pagtatrabaho, masarap magpahinga kung maayos, maganda at maaliwalas ang ating silid-tulugan. Siyempre, bukod nga naman sa kasama natin ang ating mahal sa buhay sa pagpapahinga, maganda rin iyong masarap sa mata at pakiramdam ang lugar na ating pinagpapahingahan.
Isa ang kuwarto sa madaling dumumi at kumalat, gayunpaman, napakahalaga pa ring napagtutuunan natin ng pansin ang paglilinis nito lalo pa’t dito tayo namamahinga o natutulog. Mahirap namang magpahinga sa isang lugar na makalat o magulo saan ka man mapalingon.
Mahirap ding makapagpahinga sa makalat na kuwarto.
Marami sa atin ang gusto mang mapanatiling malinis ang kanilang silid ngunit wala namang panahon dahil na rin sa kaabalahan sa trabaho. Oo, marami tayong ginagawa. Pero may mga simpleng paraan pa rin naman para mapanatili nating malinis at maayos ang ating silid. At isang simpleng paraan ay ang iwasan ang pagkakalat at ilagay sa dapat kalagyan ang mga ginamit na bagay para hindi ito pagmulan ng kalat. Kung magiging maingat tayo, maiiwasan natin ang makalat na silid.
May mga dream bedroom tayo. Minsan, pinanghihinaan tayo ng loob na makamit ito dahil lagi nating iniisip ang gagastusin. Halimbawa na lang ay hindi gaanong kalakihan ang kinikita mo, kaysa nga naman gumastos ng mga pampaganda sa inyong kuwarto, mas pinipili nating paglaanan ng pera ang mga pang-araw-araw nating pangangailangan, lalong-lalo na ang pagkain. Kaya ang ilan, nakokontento na lang sa hitsura ng kuwartong mayroon sila.
Sa totoo lang, okey lang naman ang makontento sa kung anong mayroon, pero kung may mga simpleng paraan naman para makamit ang iyong dream bedroom na swak naman sa budget, bakit hindi natin subukan? Maraming paraan na puwede nating gawin para mapaganda natin ang ating ku-warto nang hindi gumagastos ng malaki gaya na lamang ng mga sumusunod:
PAGPAPANATILING ORGANISADO NG KUWARTO
Nakaiirita ang magulong kuwarto hindi ba? Mahirap magpahinga kung sa bawat lingon natin, may mga nakakalat na kung ano-ano. Kaya naman, isang paraan o ang paunang paraan para makamit ang dream bedroom ay ang pagpapanatiling malinis at organisado ng isang silid.
Kung may mga bagay sa loob ng kuwarto na hindi naman kailangan o mapakikinabangan, tanggalin ang mga ito kaysa maging pampasikip lang. Ipamigay para mapakinabangan. O kaya naman, ibenta nang magkaroon ng ekstrang pera. Huwag tayong mag-ipon ng mga bagay o gamit na hindi naman natin napakikinabangan dahil pampakalat at pampagulo lamang iyan.
Para maiwasan ang paglalagay ng gamit na hindi naman kailangan o magagamit, pag-isipan muna ang mga kasangkapang bibilhin o planuhin muna kung saan ito ilalagay o ano ang paggagamitan nito bago ka mamili.
Para maiwasan din ang makalat na kuwarto, gumawa o bumili ng organizer. Halimbawa na lang ay marami kang kakikayan. Kaysa masira ito at itambak mo lang sa isang lugar, mas maganda kung gagawa ka ng organizer. Kung wala ka namang kahilig-hilig gumawa, maaari ka ring maghanap ng mga organizer na bukod sa mura lang ay makaaambag pa ng ganda sa iyong silid. At kung nakaayos ang gamit mo, hindi ka mahihirapang maghanap. Hindi rin masisira ang mga gamit mo, lalong-lalo na ang mga accessory mo.
SIDE TABLE AT LAMP
Kung mayroon mang bagay na ayokong mawala sa kuwarto bukod sa kama, iyan ay ang side table at lamp. Bukod sa nakadaragdag ito ng ganda sa look ng isang silid, marami ring gamit ang side table at lamp.
Ang side table nga naman ay maaari mong pagpatungan ng mga bagay gaya ng gadget o kaya naman libro. Samantalang ang lamp naman, magagamit mo sa pagbabasa.
Mainam din kasi ang pagbabasa sa gabi lalo na kung nahihirapan kang makatulog.
STATEMENT BED NA KA-MATCH NG KURTINA
Masarap ding matulog kung maganda at maayos ang ating kama. Kung maganda ang ating kama, malaki ang naitutulong nito upang magmukha ring maganda ang kabuuan ng silid. Pagtuunan natin ng pansin ang ating bedcover. Puwede tayong bumili ng mga design na gusto natin. Puwede rin nating i-match ang bedcover natin sa ating ikakabit na kurtina para mas maganda itong tingnan.
Para rin makatipid, alamin o maghanap ng mga tindahang mura lang pero maganda ang kalidad. Mag-invest din sa kama at unan. Dahil kung maganda ang kama at unan mo, mahimbing kang makatutulog.
MAGLAGAY NG MGA KINAHIHILIGANG ARTWORK
Nakadaragdag din ng ganda ang paglalagay ng artwork sa kuwarto. Piliin lang ang mga gusto o hilig mong artwork at iyon ang gamitin sa pagpapaganda ng iyog kuwarto. Puwede kang gumawa ng statement wall gamit ang mga artwork na nagpapasaya sa iyo at sa iyong pamilya. Maaari rin namang ang mismong picture ang gamitin mo sa pag-create ng statement wall.
Napakaraming simpleng paraan upang makamit natin ang mga bagay na gusto natin, maging madiskarte lang tayo. (photos mula sa google) CS SALUD
Comments are closed.