DRIVE-THRU BOOSTER VACCINATION SA PATEROS

INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Pateros ang kanilang paglu­lunsad ng drive-thru booster vaccination na sisimulan ngayong araw upang madagdagan pa ang bilang ng mga magpapabakunang residente sa munisipalidad.

Ayon sa pamahalaang lokal ng Pateros, ang serbisyo ng drive-thru booster vaccination na gaganapin sa Pateros Catholic School-Annex ay limitado lamang sa mga indibidwal na 18 hanggang 65 taong gulang na walang comorbidity at sa mga residenteng nakakumpleto na ng kanilang baksinasyon sa munisipalidad.

Layon ng drive-thru vaccination ay para ma­dagdagan pa ang mga indibidwal na magpapabakuna ng kanilang booster shot gayundin upang maiwasan ang pagkumpulan ng mga tao sa vaccination sites bilang preparasyon naman sa pagatuturok ng bakuna sa mga batang nasa 5 hanggang 11 taong gulang.

Patuloy pa rin ang munisipalidad sa pagbibigay ng una at ikalawang dose ng bakuna sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 at mga mas nakatatanda habang ang mga walk-ins na magpapaturok ng bakuna ay pinapayagan para sa mga residente ng munisipalidad.

Napag-alaman naman sa Department of Health (DOH) na hindi inirerekomenda ng naturang ahensiya ang pagtuturok ng booster shot sa mga kabataan na nasa 12 hanggang 17 taong gulang habang ang mga fully vaccinated na mas nakatatanda na nasa edad 18 pataas ay kuwalipikadong tumanggap ng single-dose booster shot tatlong buwan makaraang maturukan ng ikalawang dose ng AstraZeneca, Moderna, Pfizer-BioNTech, Sinovac (CoronaVac) and Sputnik V.

Ang mga naturukan naman ng single-shot ng Janssen vaccine ay maaaring makatanggap ng kanilang booster shot ng dalawang buwan na ang nakalipas.

At bilang panimula, 200 na magpaparehistro muna ang mabibigyan ng iskedyul para sa drive-thru booster shots ngunit kailangan nila na makatanggap ng kumpirmas­yon ng kanilang iskedyul.

Idinagdag pa na ang papayagan lamang sa drive-thru booster vaccination ay ang mga sasakyan na mayroong tatlo at apat na gulong tulad ng tricycles, kotse at mga jeepney ngunit ang mga magmamaneho ay hindi papayagan na maturukan ng booster shot. MARIVIC FERNANDEZ