PAGPASOK ng taon ay marami ang tinamaan ng trangkaso kung saan nakaranas ng ubo, sipon, lagnat, at pananakit ng katawan na siya ring mga sintomas ng Covid 19 virus gaya ng Omicron kaya naman dumami ang nagnais na magpa-swab test kung saan sa huling ulat ng Department of Health (DOH) ay pumalo sa mahigit 30,000 ang nagpositibo sa Covid 19.
Mayroong mass testing o libreng swabt test ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila gaya ng Caloocan City kaya lang dahil sa mabilis na paglobo ng bilang ng tinamaan ng Omicron ay nagkaroon ng agarang pagkaubos ng mga testing kit.
Sa panayam kay Ms Kate Javier, PIO ng Caloocan City, nilimitahan na muna ang binibigyan ng libreng swab test.
Samantala, masalimuot din ang proseso na ipinatutupad sa Brgy 182 ng naturang lungsod kaugnay sa libreng swab kahit na dumaranas ng sintomas.
Ayon kay Kapitan Rowell Brin, kailangan dumaan sa contact tracer ng barangay na siyang magsusumite ng ulat sa Brgy Health Center upang mabigyan ng form na syang maaring dalhin sa mass testing facility ng caloocan upang makakuha ng libreng swab test ngunit hindi nila mabibigyan ng form ang hindi close contact sa nagpositibo sa virus kaya dapat may nakasalamuha ka munang nagpositive sa virus bago ka nila bigyan ng form at maka-avail libreng swab test kung saan sakaling ma-swab test ka ay maghihintay ka ng 10 araw para sa resulta.
Ito ang isa sa dahilan kung bakit mas tinatangkilik ngayon ang Drive Thru Covid 19 Swab Testing gaya na lamang ng kabubukas na Bernardino General Hospital Drive Thru Swab Testing na matatagpuan sa Zabarte Road, Quezon City.
Sa panayam ng Pilipino Mirror kay Dr. Alex Recuenco Jr., binuksan ang naturang drive thru swab testing upang maging maalwan ang pakiramdam ng sinuman na gustong magpa-swab.
Mabilis na online booking appointment na pinamamahalaan mismo ni Dr. Paulo Angelo Lim.
Kung nais na sumailalim sa RT PCR Test, ito ay nagkakahalaga ng P3,360 at makukuha ang resulta 24-48 oras samantalang P960 naman para sa Rapid Antigen Swab na makukuha ang resulta matagal na ang isang oras.
Ayon kay Dr. Recuenco Jr., ang de kalidad na Abott Panbio Covid 19 AG Rapid Test Kit ang kanilang ginagamit.
Lahat ng resulta positibo man o negatibo ay agad nilang isinusumite para sa datus ng DOH at sakaling magpositibo ang nagpa-swab test ay pinapayuhan nila itong mag- quarantine ng 10 araw.
Bukod sa walang hassle na pila at mabilis na resulta,makaiiwas pa na makasagap ng sakit at malantad sa maraming tao ang sinuman na magpapa-test sa drive thru Covid 19 swab testing.
Maria Theresa Briones