(Driver minalas, 3 pa sugatan) TRUCK BUMALIGTAD DAHIL SA ASHFALL

Ashfall

LAGUNA – PATAY ang isang driver matapos bumangga sa poste at bumaligtad ang sinasakyang truck bunsod ng pagbuhos ng abo mula sa nag-alburutong Taal Volcano  habang sugatan ang tatlo pa nitong kasama sa Brgy. Paciano, lungsod ng Calamba kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni PLt. Col. Gene Licud, hepe ng pulisya, ang biktimang si Gilbert Dawal Briones, may asawa, habang sugatan ang dalawa nitong pahinante na sina Jovin Dayson Daen, 22, at Reymar Dayson Daen, 34, pawang mga residente ng Brgy. San Antonio, Sto. Tomas, Batangas gayundin si Charity Flores, 33, ng Bicutan, Taguig City.

Ala-1:00 ng madaling araw nang maganap ang naturang insidente habang patungo sa Lungsod ng Cabuyao ang minamanehong truck ng biktima kasama ang iba pa nang hindi inaasahang bumuhos ang abo sa windshield mula sa pumutok na bulkan dahilan para mawala ito sa tamang direksiyon at tuluyang bumangga sa isang poste at bumaligtad sa gilid ng kalsada.

Binawian ng buhay sa loob mismo ng kanyang minamanehong truck ang biktima bunsod ng maraming sugat na tinamo nito sa kanyang ulo at katawan habang ang tatlong iba pa ay mabilisang isinugod sa pagamutan kung saan nasa maayos ng kalagayan. DICK GARAY

Comments are closed.