ARESTADO ang isang tsuper matapos ireklamo ng isang Sangguniang Kabataan (SK) Chairwoman dahil sa panunutok ng baril sa isang birthday party sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Nasakote sa isinagawang follow-up operation sa kanyang bahay ang suspek na si Jerrylito Pasion, 49, may-asawa, UV Express driver, ng 2406 St. Jude Street, Admin Site, Barangay 186, Tala, Caloocan City.
Nabatid na bisita sa isang birthday party ang suspek sa bahay ng biktimang si Pamela Salaum, 22, SK Chairwoman ng Barangay 183, sa CMP Compound sa Block 20 Lot 26, Bigaa Street, Barangay 179, Amparo Subdivision, Caloocan City alas-9:30 ng gabi nang biglang makipagtalo ang suspek sa isang kaibigan at magsimula ng komosyon.
Tinangkang payapain ni Salaum at iba pang bisita ang suspek ngunit lalo itong napraning at pumunta sa kanyang sasakyan at kumuha ng baril saka itinutok ito kay Salaum.
Bukod dito ay tinakot din ng suspek ang biktima at sinabihan ng maaanghang na kataga bago pinaputok ang baril sa dingding saka tumalilis.
Dinampot naman ni Salaum ang tatlong basyo ng bala mula sa baril ng suspek at isang metallic fragment saka nagsumbong sa mga pulis.
Sinalakay ng mga pulis sa kanyang bahay si Pasion at nakumpiska dito ang isang caliber .45 pistol na may nakasaksak na magasin na walang bala saka ito binitbit sa presinto at kinasuhan ng grave threat at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. EVELYN GARCIA / VICK TANES
Comments are closed.