‘DRIVER ONLY’ BAN ITINIGIL

MMDA General Manager Jojo Garcia

HINDI na itutuloy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng Expanded High Occupancy Vehicle (HOV) Traffic Scheme sa EDSA makaraang makatanggap ng batikos mula sa mga senador ang naturang polisiya na nakatakda sanang umpisahan sa Agosto 23.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, sa kabila ng kanilang pagpapatigil ng nakatakda sanang implementasyon sa Agosto 23 ng HOV Traffic Scheme sa EDSA ay mananatili pa rin ang kanilang pagsasagawa ng dry-run nito hanggang sa magkaroon na ng desisyon ang Metro Manila Council (MMC) na kinabibila­ngan ng mga alkalde sa Kalakhang Maynila na may tanging mandato ukol sa naturang usapin.

Dagdag pa ni Garcia, nirerespeto ng MMDA ang pananaw ng mga senador sa pagsusupindi ng naturang polisiya.

Sa kabilang dako ay nakiusap naman si Garcia sa publiko na makiisa sa kanilang pagpapatupad ng HOV dry-run upang malaman ang epekto nito na makatutulong sa pagbabawas ng pagsikip ng trapiko sa EDSA.

Batay sa polisiya ng Expanded HOV na ina­prubahan ng MMC council, pinagbabawalang dumaan ang mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA na driver lamang ang sakay mula North EDSA hanggang Magallanes ng 7:00-10:00 ng umaga at alas-6:00 hanggang alas- 9:00 ng gabi Lunes hanggang Biyernes.

Bukas din ang MMDA sa pag-aamyenda ng naturang polisiya sa pamamagitan ng carpooling.

Paliwanag ni Garcia, ang pagpapatupad ng expanded HOV scheme ay isa lamang pansamantalang solusyon na makatutulong sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gob­yerno sa ilalim ng “Build, Build, Build” program.

Base sa ulat ng MMDA, simula ng um­pisahan nila noong Lunes (Agosto 13) ang dry-run ng naturang polisiya ay gumaan ang daloy ng trapiko sa EDSA.

Ngunit bago pa man maipatupad ang HOV scheme ay inulan na ito ng batikos mula mismo sa mga senador na na­ging dahilan ng pagsususpinde ng naturang polisiya. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.