‘DRIVER ONLY BAN’ SA EDSA POSIBLENG IDEKLARANG UNCONSTITUTIONAL

DRIVER ONLY BAN

NAGBABALA si Akbayan Rep. Tom Villarin na maaaring ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang high occupancy vehicle o HOV traffic scheme na nagbabawal sa EDSA ng driver-only vehicles o mga sasakyang iisa lang ang nakasakay.

Paliwanag ni Villarin, ang hakbang ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ay naglili­mita sa paggamit ng mga mamamayan ng kanyang ari-arian nang walang due process.

Iginiit pa ni Villarin na hindi lamang ang mga sasakyan na driver lamang ang sakay ang problema ng matinding traffic sa EDSA.

Aniya, ang dapat gawin ng gobyerno ay bawasan ang mga sasakyan sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagpapatupad ng environmental laws tulad ng pagbabawal sa paggamit ng mga sasakyan na mayroong “highly polluted engines.”

Bukod pa rito ang pag­lilinis sa mga secondary roads sa mga sasak­yang nakaparada upang magamit itong alternatibong ruta.

Kamakalawa ay nag­hain ng Senate Resolution No. 845  ang Senado na pinahihinto ang pagpapatupad ng HOV traffic scheme.

Nakapaloob sa resolusyon na iniakda nina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Miguel Zubiri, at Senate Minority Leader Franklin M. Drilon ang paggigiit sa Metro Manila Council at MMDA na  pag-aralan muna itong mabuti at mag­hanap ng iba pang paraan na tunay na makareresolba sa problema sa trapiko sa Metro Manila.

Ang pagpapatupad sa isang sistema nang walang public consultation ay paglabag sa due process of laws na ginagarantiyahan sa Saligang Batas.

Ayon kay Recto, hindi luho ang pagkakaroon ng sasakyan kundi isang pangangailangan dahil sa kawalan ng ibang masasakyan o mas maayos na mass transport system.

Diin pa ni Recto, may road users tax, at sari-saring buwis sa gasolina at la­ngis gayundin sa lisensiya at plaka na binabayaran ang mga moto­rista. CONDE BATAC, VICKY CERVALES

Comments are closed.