DRIVER SINAKSAK DAHIL SA MASAMANG TITIG

sinaksak

MALUBHANG nasu­gatan ang isang jeepney driver matapos pagsasaksakin ng dalawa sa tatlong lalaki makaraang magtalo dahil sa titig sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan si John Ivan Pagtalunan, 20, ng No. 10, Paz St., Brgy. Tugatog.

Kinilala naman ang mga suspek na sina Jovit Cruz, 31-anyos, online seller; Nielvin Santos, 24-anyos, kapwa ng Brgy. Tugatog; at Jelmer Paulo Cruz, 21-anyos, ng 10th Avenue, Caloocan City na naaresto ng mga tauhan ng PCP-4 sa pa­ngunguna ni PLT Andres Victoriano.

Sa imbestigasyon nina PSSg Richard Andrew Calaycay at PSSg Ernie Baroy, dakong alas-12:40 ng madaling araw, kainuman ni Pagtalunan si Ramil Ramos, 29-anyos, sa harap ng Boy Bakery Shop sa Aluminum St., Brgy. Tugatog nang komprontahin ni Jovit at Jelmer ang biktima saka tinanong kung bakit nakatitig ito sa kanyang mga mata na nauwi sa pagtatalo hanggang sa awatin sila ni Ramos.

Humingi ng tawad si Jovit kay Pagtalunan subalit hindi nito tinanggap hanggang sa magpasyang mag-uwian ang mga ito ngunit pagdating ng biktima sa labas ng kanilang bahay ay pinagsasaksak ito ng mga suspek sa katawan gamit ang basag na bote.

Itinakbo ang biktima ng kanyang mga kaanak sa naturang pagamutan habang nadakip naman ang mga suspek na positibong kinilala ni Pagtalunan si Jovit at Jelmer na sumaksak sa kanya habang itinuro nito si Santos na sumapak sa kanya. EVELYN GARCIA

Comments are closed.