NAVOTAS CITY – ISANG 22-anyos na public utility driver ang nagtamo ng second degree burns sa leeg at katawan matapos buhusan ng gasolina ng kanyang live-in partner saka sinindihan makaraan ang kanilang pagtatalo sa lungsod na ito.
Ginagamot sa Navotas City Hospital sanhi ng tinamong sunog sa katawan si Joselito Macabantad ng 308 Chungkang St., Brgy. Tangos, South habang mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksiyon ang kanyang live-in partner na si Rose Marie Lazaro, 27, matapos ang insidente.
Ayon kay Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa loob ng bahay ng mag-live in partner sa 308 Chungkang St., Brgy. Tangos habang nagtatalo ang dalawa.
Sa imbestigasyon ni P/SMSgt. Aurelio Galvez, nagalit ang biktima matapos akusahan ng kanyang live-in partner na tamad matapos hindi naka-pagmaneho ng public utility vehicle na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.
Sa kainitan ng pagtatalo, ang suspek na sa mga oras na ‘yon ay may hawak na galon na naglalaman ng kalahating litro ng gasolina ay biglang ibinuhos nito sa biktima saka sinindihan gamit ang lighter.
Nasaksihan naman ng kapatid ng biktima na si Roberto ang insidente kaya agad nitong tinulungan ang kapatid at binuhusan ng tubig para maapula ang apoy bago isinugod nito sa nasabing pagamutan.
Pahayag ni Sgt. Aurelio na kasong frustrated homicide ang isasampa kontra sa live-in partner ng biktima sa Navotas City Prosecutor’s Office. EVELYN GARCIA