NAGBABALA ang Land Transportation Office (LTO) sa mga driving school na lalabag sa memorandum na nagtatakda sa price cap na ibinabayad ng mga mag-aapply ng bagong driver’s license epektibo kahapon, Abril 15.
Sa nasabing price cap, nasa P5,000 ang maximum pay limit para sa light vehicles at P3,500 naman para sa mga motorsiklo base sa Memorandum Circular na inisyu ng LTO noong nakalipas na buwan.
Ayon kay LTO chief Jay Art Tugade, haharap sa sanctions ang mga driving school na lalabag sa LTO memorandum kung saan papatawan ng P50,000 na multa at anim na buwang suspensyon para sa first offense, P100,000 naman at isang taong suspensyon para sa ikalawang paglabag.
Sa kabila nito, kumpiyansa si Tugade na walang driving schools ang lalabag sa memorandum circular kasabay ng pagtitiyak ng Association of Accredited Driving Schools of the Philippines, Inc. (AADSPI), Philippine Association of LTO Accredited Driving Schools (PALADS) at iba pang kompanya ng kanilang suporta sa naturang price cap.
Una dito, pinangunahan ng LTO chief ang pag-review sa driving school fees sa gitna na rin ng iba’t ibang reklamo sa mataas na singil sa mga nagnanais mag-apply para sa driver’s license na umaabot sa halagang P9,000 hanggang P 15,000.
Samantalang sa LTO ay umaabot lamang sa halagang P250 lamang ang sinisingil para sa student permit at P685 para sa driver’s license. EVELYN GARCIA