ALBAY- BILANG pagsuporta kay Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Dionardo B. Carlos, mas pinaigting ng PNP-Police Regional Office5 ang kanilang kampanya kontra droga.
Isang patunay dito ay ang paglulunsad ng high-impact operation laban sa isang drug personality Purok-6, Brgy Bombon, Tabaco City, Albay.
Sa ulat na ipinarating kay PBGen Jonnel C Estomo , pinuno ng PNP-PRO5 ang nasabing operation ay nagresulta sa pagkakatimbog sa suspek na kinilalang si Marion Diaz Rañola, 37-anyos, walang asawa at residente ng Brgy. Balogo, Oas.
Ito ay matapos na positibong bentahan ni Rañola ang poseur buyer ng PNP ng isang pakete ng transparent plastic na naglalaman na humigit kumulang 50 gramo ng pinaghihinalaang “shabu” katumbas ang halagang P200,000.
Ang pagmamarka at dokumentasyon ng ebidensya ay nasaksihan ng mandatory witnesses.
Umabot naman sa P340,000 ang aktwal na halaga ng nasabing droga.
Ayon kay PNP-PRO5 Public Information Chief, Major Malou Calubaquib ng nadakip na suspek ay tumatayong drug courier o kabayo sa pagdedeliber ng ipinagbabawal na gamot sa mga kliyente nito sa probinsya ng Albay.
Batay sa pagmamanman ng mga kapulisan bago pa man isagawa ang naturang operasyon. Napag-alaman rin na nagmumula pa sa Maynila ang isinusuplay nitong droga sa probinsya.
Si Rañola ay nasa kustodiya ng Tabaco CPS at nahaharap sa kasong
paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang
“Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002”.
Sa kabilang dako, kinilala naman ni Estomo ang pagsisikap ng mga
operatiba na bumuo sa operasyon na kinabibilangan ng Regional Police
Drug Enforcement Unit 5 at City Police Drug Enforcement Unit ng Tabaco City Police Station. VERLIN RUIZ