NASAMSAM ng pulisya ang mahigit P1.1 milyon halaga ng shabu sa isa umanong drug dealer na gumagamit ng bangka sa paglalako ng illegal na droga matapos masakote sa buy bust operation sa karagatan sa Navotas City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang suspek na si Rudy Las Piñas, 40-anyos ng 554 B. Cruz St. Brgy. Tangos North.
Ayon kay Col. Ollaging, nakatanggap ang mga operatiba ng Navotas police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng impormasyon mula sa mga mangingisda sa lugar na nakatuklas hinggil sa umano’y illegal drug trade ni Las Piñas.
Dahil dito, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni Lt. Luis Rufo, Jr. ang buy bust operation sa karagatan na sakop ng Pulo, Brgy. Tanza 1 dakong alas-4:36 ng hapon kung saan nagawang makipagtransaksiyon ni Cpl. Glenn Ocampo na umakto bilang poseur-buyer ng P1,000 halaga ng shabu sa suspek na sakay ng maliit na bangka.
Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinakma ng mga operatiba.
Narekober ng mga operatiba sa suspek ang tinatayang nasa 174 gramo ng shabu na may standard drug price na P1,183,200.00, isang caliber .32 pistol na may magazine at kargado ng anim na bala, digital weighing scale, mobile phone, maliit na notebook, itim na timba, buy bust money, P1,500 cash at ang maliit na bangka na gamit umano niya sa pagbebenta ng ilegal droga.
Si Las Piñas ay iprinisinta sa inquest proceedings sa Navotas City Prosecutor’s Office para sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at R.A.10592 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act in relation to Omnibus Election Code.
EVELYN GARCIA