DRUG MANUFACTURER DAPAT NANG AMININ ANG KAPALPAKAN SA ‘DENGVAXIA’

Sanofi Pasteur

TAHASANG sinabi ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Rep. Johnny Pimentel na dapat na umamin na lamang ang pamunuan ng Sanofi Pasteur sa nagawa nitong kapalpakan at paglalagay sa peligro ng maraming kabataan, sa ginawa at ibinenta sa gobyerno ng Filipinas ng kontrobersiyal na anti-dengue vaccine nito na Dengvaxia.

Ani Pimentel, na kinatawan ng second district ng Surigao del Sur province, ngayong kumpirmado na mayroong ‘higher risk of hospitalization’ at pagkakaroon ng ‘severe dengue’ ng mga batang hindi pa nakaranas ng dengue infections kapag naturukan ng Dengvaxia, wala nang dahilan pa para magmalinis pa ang Sanofi Pasteur.

“Following a study confirming that Dengvaxia may be harmful to children with no prior dengue infection, manufacturer Sanofi Pasteur should now acknowledge that it made a mistake in “prematurely and recklessly hawking” the vaccine to the Philippine government,” tigas na sabi ng Mindanaoan congressman.

Dismayado si Pimentel sa pagpupumilit ng naturang multinational pharmaceutical firm na mayroong pamamaraan na dapat sinusunod para maging epektibo ang Dengvaxia lalo na sa pagtitiyak na ang matuturukan nito ay iyon lamang mga bata na nagka-dengue na.

Mistula umanong naging bahagi ng ‘clinical trial’ ng Sanofi para sa Dengvaxia vaccine nito ang mismong 870,000 na mag-aaral ng bansa, na madaliang binigyan ng naturang bakuna.

Giit ni Pimentel, dalawang paraan ang maaaring gawin ng Sanofi para akuin ang responsibilidad nito, na ang una ay ibalik ang buong P3.5 billion na ibinayad ng pamahalaan ng Fi­lipinas sa biniling tatlong mil­yon na Dengvaxia vaccines.

Pangalawa ay ang pagkakaroon ng ‘indemnity fund’ para naman sa mga bata na makararanas ng masamang epekto sa kanilang katawan o kalusugan mula sa pagkakaturok ng nasabing bakuna.

Sa June 13 ‘New England Journal of Medicine,’ nakumpirma sa pag-aaral na ang mga bata na hindi pa nagkaka-dengue kapag nabigyan ng Dengvaxia shots, ay mayroong mataas na tiyansang maospital at magkaroon ng malalang sakit sa dengue.

Ibinase ang resulta ng naturang medicine journal mula sa 2,384 mga bata na binakunahan ng naturang anti-dengue vaccine at 1,194 naman na hindi pa nabakunahan.

Magugunita na noong buwan ng Abril, inihayag ng Department of Health (DOH) na nasa 3,281 school children sa bansa ang nadala sa ospital matapos mabigyan ng Dengvaxia kung saan 1,967 sa mga ito ang nakumpirmang nagkaroon na ng dengue.

Lumabas din sa record ng DOH na 65 na mga bata ang namatay kasunod nang pagkakaroon ng Dengvaxia shots kung saan 13 dito ang sanhi ng severe dengue infections at ang 52 iba pa ay mula naman sa iba’t ibang kadahilanan.

Noong buwan ng Enero ay isinauli ng Sanofi ang halagang P1.16 billion sa DOH para sa mga biniling anti-dengue vaccine na hindi na ginamit ng huli matapos malantad ang kontro­bersiya sa Dengvaxia.    ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.