BULACAN – ISANG drug peddler na dati nang nahuli dahil sa pagtutulak ng droga at pansamantalang nakalalaya matapos makapagpiyansa ang balik-selda matapos na muling madakip sa inilatag na buy bust operation sa Barangay Sta. Ana, Bulakan, kahapon ng madaling araw.
Base sa report ni P/Lt.Col.Grace M. Naparato, Bulakan Municipal police chief, nakilala ang suspek na si Rosauro Villaverde y Mangahas alyas Bunso, 36, may-asawa, ng Palaparin St., Barangay Sta. Ana, Bulakan.
Dakong alas-12;45 ng madaling araw nang magkasa ng anti-illegal drug operation ang Drug Enforcement Unit (DEU) ng Bulakan Municipal Police Station (MPS) sa overall supervision ni P/Lt.Col. Naparato at hindi na nakapalag ang suspek na si Villaverde at nakumpiska sa kanya ang pitong pakete ng shabu at buy bust money at nahaharap naman ito sa kasong violation of Section 5 at 11 ng RA 9165.
Nabatid na nakakuha ng impormasyon ang pulisya na nakalaya na ang suspek matapos magpiyansa ngunit muli itong bumalik sa pagtutulak ng shabu kaya kaagad nila itong ipinasailalim sa surveillance operation bago muling inaresto sa buy-bust operation at aminado naman ito sa kanyang pagkakamali. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.