VALENZUELA CITY – PATAY ang isang hinihinalang drug pusher matapos makipagbarilan sa mga awtoridad habang sugatan naman ang isang pulis sa buy bust operation Martes ng gabi.
Hindi umabot ng buhay sa Valenzuela City Emergency Hospital sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan si Federico Velasco alyas “Manok” ng Brgy. Dalandanan.
Ginagamot naman sa naturang pagamutan sanhi ng dalawang tama ng bala si PCpl Reggie Dellosa, nakatalaga sa Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU).
Sa nakarating na ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Carlito Gaces, alas-7 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng SDEU at Station Intelligence Branch sa pangunguna nina P/Capt. Segundino Bulan Jr. at P/Maj. Jessie Misal ang buy bust operation kontra sa suspek sa harap ng Wilcon Depot, Mc Arthur Highway, Dalandanan.
Nagawang makaiskor ng isa sa operatiba na nagpanggap na buyer ng isang sachet ng shabu sa suspek at matapos magkaabutan, nakatunog daw si Velasco na pulis ang kanyang katransaksiyon kaya agad itong naglabas ng baril at pinaputukan si PCpl Dellosa.
Napilitan namang gumanti ng mga putok ang back-up na mga operatiba hanggang sa tamaan ang suspek sa katawan na mabilis isinugod sa naturang pagamutan kasama si PCpl Dellosa.
Narekober sa crime scene ang isang cal. 357 revolver na kargado ng apat na bala at dalawang basyo ng bala habang nakuha naman sa suspek ang buy bust money, isang pouch na naglalaman ng 10 plastic sachets ng shabu at P300 bill. EVELYN GARCIA
Comments are closed.