LAS PIÑAS- GINAGAMIT pa rin ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas ang tatlong palapag na gusali ng Drug Rehabilitation Center sa Daniel Fajardo na pansamantalang ginawang isolation facility na Ligtas COVID Center I upang makatanggap pa ng mas maraming pasyente na nagpositibo sa kaso ng coronavirus disease o COVID-19.
Sinabi ni Dr. Arvin Marbibi, tagapamahala sa Ligtas COVID Center I, na mayroon na silang kabuuang 44 na pasyente na nagpositibo sa naturang virus kung saan ang pinakamatanda dito ay 73-taong gulang habang ang pinakabata naman ay isang 15-anyos na estudyante.
Ayon kay Marbibi, ang mga pasyente na nagpositibo sa COVID-19 ay inilagay nila sa ikatlong palapag ng gusali habang ang mga ito ay gi-nagamot sa kanilang mga karamdaman, samantalang ang mga nagnegatibo sa kanilang test gayundin ang mga patuloy na nagpapagaling na tinatapos na lamang ang kanilang 14-day quarantine ay nananatili naman sa una at ikalawang palapag ng gusali.
Ang kapasidad ng naturang isolation facility na COVID Center I na pinangangasiwaan ni Marbibi ay maaaring makatanggap ng hanggang 70 pasyente.
Bukod sa Ligtas COVID Center I na kanyang pinamamahalaan, sinabi ni Marbibi na nakapagdesisyon si Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar na itayo ang Ligtas COVID Center II na matatagpuan sa may Golden Acres na pamumunuan naman ni Dr. Joseph Aron Rey Manapsal.
Ang bagong isolation facility na COVID Center II ay maaaring tumanggap ng hanggang 100 pasyente na may kaugnayan sa COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.