PATAY ang isang lalaki na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos barilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo si Jerome Josue, 27-anyos ng 64 Damson St. Brgy. Dampalit.
Sa pahayag sa pulisya ng dalawang saksi na sina Mark Anthony Aleta, 27-anyos ng Brgy. 8 Caloocan City at Marlon Bocabo, 29-anyos ng Letre Road, Tonsuya, Malabon City, naganap ang insidente dakong alas-8:20 ng gabi sa kahabaan ng Damson Street.
Galing sa pagbibisikleta ang dalawang saksi at nagpahinga sa naturang lugar nang makita nila ang biktima, kasama ang dalawang suspek na naglalakad patungo sa lugar ng pangisdaan. Nagsalita pa ang biktima sa mga saksi na tinutugis nila ang ilegal na nangingisda sa lugar.
Ilang minuto ang nakalipas, nakarinig ng putok ng baril ang mga saksi at nakita ang dalawang lalaki na tumatakbo patungong Bautista St., Brgy. Dampalit habang naiwan ang nakahandusay na katawan ng biktima.
Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot sa foil at patalim mula sa biktima. EVELYN GARCIA