DRUG SUSPECT TIMBOG SA P1-M DROGA, ARM CACHE

NAKAKUMPISKA pa ang pulisya ng baril, bala at granada sa apartment ng isa sa dalawang lalaking unang nahuli sa pagbebenta ng hindi lisensiyadong baril at pag-iingat ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu at marijuana, Martes ng hapon sa Caloocan City.

Sa follow-up operation ng mga tauhan ni Lt. Col. Jynleo Bautista, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group ng Northern District Field Unit (CIDG-NDFU) sa isang hideout ni Emmanuel Joseph Bendal, 31-anyos sa Room 3 David Apartment, McArthur Highway, Dalakitan, Brgy. San Matias, Sto Tomas, Pampanga Miyerkules ng alas-10:30 ng gabi, nasamsam ang isang hindi lisensiyadong Norinco Cal. 45 pistol, dalawang magazine assembly na may anim na bala at isang MK-2 na granada.

Ayon kay Cpl. Ferdinand Yap, isa sa mga operatibang nagtungo sa naturang lalawigan, kusang inamin ni Bendal ang pag-iingat ng nasamsam na baril at granada at sa tulong ng kapatid ng suspek na si Angelica Bendal Razo, madali nilang natunton ang lugar, kasama ang ilang tauhan ng Pampanga Provincial Field Unit at opisyal ng barangay ng San Matias na tumayong testigo sa isinagawang police operation.

Nabatid na unang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng CIDG-NDFU at Northern Police District (NPD) sina Bendal at driver nitong si Jess Noriega, 41-anyos sa isang buy-bust operation nitong Martes ng hapon sa 7th Avenue, Caloocan City matapos pagbentahan ng hindi lisensiyadong kalibre .45 baril ang pulis na nagpanggap na buyer.

Narekober sa mga suspek ang shabu at marijuana na may kabuuang halagang P1,528,000.00, pati na ang ibinebentang baril, mga bala at buy bust money.

Nauna nang binanggit ni Lt. Col. Bautista na sangkot ang dalawa sa pagbebenta ng ilegal na droga at hindi lisensiyadong armas sa area ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA). EVELYN GARCIA