KINATIGAN ng National Press Club of the Philippines ang panukala ng isang mambabatas na isailalim din ang mga kawani ng media sa random drug testing.
Ayon kay dating NPC president Benny Antiporda, panahon na para naman ang media ang mag-check o magpulis sa sarili nitong kampo.
Hindi inaalis ni Antiporda ang posibilidad na may mangilan-ngilang miyembro ng media ang naliligaw ng landas.
Tungkulin umano ng NPC na tulungang makabangon ang miyembrong mapapatunayang nalulong sa droga kung mayroon man.
Aniya, may mga rehabilitation center na puwedeng pagdalhan sa kanila kung kanilang gugustuhin.
Aniya, mabuti nang ang NPC ang maunang makaalam kung mayroon man, dahil madali silang makagagawa ng paraan upang matulungan ang nangangailangan.
Matatandaang mungkahi ni House Dangerous Drugs chairman Rodel Batocabe na linisin din ang hanay media matapos sabihin ng PDEA na ilang media personalities ang kasama sa kanilang updated narco list.
Nais din ni Batocabe na sampahan ng kaso ang sinumang matutukoy na totoong gumagamit ng ilegal na droga, media man ito, hukom, mayor o opisyal ng barangay. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.