BUNSOD ng magkakasunod na madugong aksidente sa lansangan, na sa bandang huli ay napag-alamang kinasasangkutan pala ng drayber na gumagamit ng ilegal na droga, gustong ipabalik ng isang House panel chairman ang regulasyon na dumaan muna sa mandatory drug testing ang mga aplikante ng driver’s license.
Sa kanyang privilege speech, nagpahayag din ng pagkadismaya si House Transportation Committee Chairman at Samar Congressman Edgar Mary Sarmiento sa pagkakaalis ng nasabing patakaran, na dating ipinatutupad ng Land Transportation Office (LTO).
Magugunita na sa pagkakaapruba ng Republic Act 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, isinantabi na ang itinatakda ng Section 36 (a) ng Dangerous Drugs Act of 2002 kung saan iniuutos na sumailalim sa drug testing ang mga nais kumuha ng lisensiya sa pagmamaneho ng sasakyan.
Giit ni Senate President Tito Sotto III, na siyang principal author ng RA 10586, hindi naman naging epektibo ang pagkakaroon ng mandatory drug testing sa mga bago at nag-renew ng driver’s license kung saan dagdag-gastos at umano’y nagiging ugat pa ito ng korupsiyon kaya mainam na tanggalin na lamang.
Subalit sinabi ni Sarmiento na ngayong marami ang naitalang vehicular accidents na nagresulta sa kamatayan at lumalabas na kung hindi nasa impluwensiya ng droga habang nagmamaneho ay aminado namang drug user ang drayber, panahon na para buhayin ang dating patakaran ng LTO.
“Just last week, a Grade 8 student in Makati was killed while seven others were seriously injured when they were run over by a speeding jeepney driven by a self-confessed drug user. Only a day after the incident, an 18-wheeler truck driven by a shabu user plowed through several vehicles before ramming into several roadside establishments killing a 17-old woman and her three-month old baby,” anang Samar province lawmaker.
“Ibalik natin ang mandatory drug testing na inalis natin noong 2013 dahil sa RA 10586, lalo na sa mga may hawak ng manibela sa pampublikong sasakyan at sa mga truck,” mariing sabi pa ni Sarmiento.
Ayon sa mambabatas, naging maluwag ang pamahalaan sa pagtatakda ng panuntunan sa pag-iisyu ng driver’s license, kabilang na ang pagtataas sa validity o bisa nito mula sa tatlong taon ay ginawang limang taon subalit hindi naman itinaas ang kuwalipikasyon sa kung sino ang dapat na mabigyan ng lisensiya. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.