EWAN ko ba kung bakit napunta tayo sa isyu ng drug test para sa mga tumatakbo sa pagkapangulo.
Para sa akin, bagamat mahalaga na ang ating mga liderato ay kampante tayo na hindi lulong sa droga, ang mahalaga ay kung ano ang magagawa ng mga ito upang umangat ang kabuhayan ng mga Pilipino.
Nais ko na linawin ang aking posisyon sa isyu na ito. Kasama ako sa mga ayaw at galit sa ilegal na droga.
Ako mismo ay malinis ang aking konsensya na hindi ako nakatikim ng kahit na anong bawal na droga.
Ang nais ko lamang sabihin ay ang isyu ng drug test sa mga presidentiables ay hindi gan’ung kalaking isyu na kailangang patunayan ng mga nais mamuno ng ating bansa sa susunod na halalan.
Unang una, kung talagang meron man na gumagamit ng ilegal na droga sa mga kasalukuyang nais maging susunod na pangulo ng ating bansa, tiyak ay noon pa ay may umuugong na ganyang balita sa kanila.
Pangalawa, sa edad ng mga kasalukuyang kumakandidato sa pagkapangulo, kaduda-duda na hanggang ngayon ay may gumagamit pa ng ilegal na droga sa kanila. Tulad na lamang ni Sen. Manny Pacquiao, inamin niya na sumubok siya noong kabataan niya ng droga. Pero hindi ibig sabihin na masama siyang tao ngayon. Huwag na tayo magplastikan dito, marami tayong mga kilala at malapit na kaibigan na maayos ang buhay ngayon o matagumpay sa kanilang karera na dati ay nakatikim din ng ilegal na droga noong kabataan nila. Subalit ngayon ay mga mamamayan sila ng ating bansa na nagbabayad ng wastong buwis sa ating bansa at tumutulong sa pag-unlad ng ating bansa at hindi na gumagamit ng ilegal na droga.
Pangatlo, kung meron man sa ating mga presidentiables na gumagamit ng ilegal na droga ngayon tiyak na nasa radar sila ng PDEA. Maski na sabihin na natin na sa nakaraang sampung taon ay meron sa kasalukuyang presidentiables ay aktibo sa paggamit ng ilegal na droga, dapat ay sumingaw na ‘yan sa PDEA. Meron ba tayong narinig sa PDEA tungkol dito?
Pang-apat, eh bakit naman ngayon lang ipinalutang ang isyung ito ni Pangulong Duterte? Opo. Bakit ngayon lang?! Dahil may minamanok siyang kandidato at ito ay si Sen. Bong Go. Ngunit bakit kailangan pa ni Pangulong Duterte na mag akusa ng ganitong isyu sa mga ibang tumatakbo sa pagkapangulo?
Ang kailangan ng taumbayan ay ang magandang kuwalipikasyon ng isang kandidato at kung ano ang maaaring ihain niyang plataporma de gobyerno upang umangat ang kabuhayan natin. Hindi natin kailangan ng batuhan ng putik at paninira sa kapwa lalo na kung mahirap ito patunayan. Tsismis lamang ito, ika nga.
Sa palagay ba natin na isa sa kanila nila Sen. Bong Go edad 47, Mayor Isko Moreno edad 47, Sen. Manny Pacquiao edad 42, Sen. Ping Lacson edad 73, dating senador Bongbong Marcos, 64, Ka Leody de Guzman edad 62 at VP Leni Robredo edad 56 ay ‘bumabatak’ ng ilegal na droga?! Kung hanggang ngayon ay gumagamit ng bawal na gamot ang kahit na sino sa kanila at hindi nahuhuli ng PDEA, malinaw na hindi ginagampanan ng nasabing ahensiya ang kanilang katungkulan. Malinaw rin na sinasalamin lamang ang palpak ng programa ng administrasyon ni Pangulong Duterte sa kampanya nila laban sa ilegal na droga!
Kaya kung naniniwala kayo sa mga akusasyon ni Pangulong Duterte na isa sa mga presidentiables ay gumagamit ng ilegal na droga, pinapasakay lamang kayo ni Digong at kumagat naman kayo.
Ang nakakatawa naman ay pinatulan ng ilan sa mga presidentiable ang isyung ito at nag-drug test sila!
Haaaays. Kung alam nila na malinis ang kanilang konsensya, hindi nila kailangan patunayan na hindi sila gumagamit ng ilegal na droga. Maliban lang kapag binanggit ang kanilang pangalan at may akusasyon na gumagamit sila ng ilegal na droga. Doon sila magpa-drug test upang pabulaanan ang bintang na ito.
Pero aaminin ko, may public officials na sangkot at gumagamit ng ilegal na droga. Sa katunayan ay pinangalanan sila dati ng PDEA. ‘Yan ang kapani-paniwala. Subalit sa mga hanay ng tumatakbo sa pagkapangulo ay gumagamit ng ilegal na droga? Duda po ako.