INIREKOMENDA ng isang kongresista na isailalim sa mandatory drug testing ang mga nanalo sa Barangay at SK elections.
Paliwanag ni 1-CARE Partylist Rep. Carlos Roman Uybarreta, ito ay isa sa paraan para mabawasan ang mga adik na halal na opisyal salig na rin sa Republic Act 9165 Sec-tion 36(d).
Giit ng kongresista, bago mabigyan ng suweldo, Internal Revenue Allotment, at mga gamit sa opisina ang isang Barangay at SK official ay dapat na matiyak na isailalim muna ang mga ito sa drug test.
Kailangang matiyak na mabuting ehemplo ang mga mahahalal ngayon sa botohang pambarangay at SK.
Samantala, random voluntary drug testing naman ang inirekomenda ni Kabayan Rep. Ron Salo para sa mga barangay official sa buong bansa.
Kumbinsido rin ang mga mambabatas na hair sample drug testing ang gawin dahil ito ay mahirap dayain kumpara sa nakagawiang urine samples. CONDE BATAC
NASA NARCO LIST MALAYANG MAKAKAUPO
WALANG anumang magiging hadlang sa pag-upo sa puwesto ng mga kandidatong nasa narco-list ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sakaling palaring manalo sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), malayang makakaupo sa puwesto ang naturang kandidatong ang mga pangalan ay nasasangkot sa aktibidad ng ilegal na droga, dahil sa final conviction ng hukuman lamang ito maaaring madiskuwalipika.
Mas makabubuti kung sasampahan na lamang ng kaukulang kaso ang mga ito at dapat ay may ebidensiya ring ihaharap sa hukuman.
Samantala, nilinaw rin ng Comelec na hindi awtomatikong diskuwalipikado sa ele-ksiyon ang mga kandidatong ang mga pangalan ay makikitang nakalagay sa sample ballots na ipinamamahagi sa kasagsagan ng eleksiyon kahapon.
Una nang sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na maituturing na ‘elec-tioneering’ o pangangampanya pa rin ang pamimigay ng sample ballots sa mga botante sa election day dahil ang campaign period ay natapos na noon pang Mayo 12.
Gayunman, may mga ulat pa ring natanggap ang poll body na may mga kandidato at supporters ng mga ito na namamahagi pa rin ng sample ballots, at gumagamit pa ng mga bata upang gawin ito.
Ayon kay Jimenez, ilegal ito dahil ikinokonsidera itong porma ng pangangampanya sa mismong araw ng eleksiyon.
Iginiit ni Jimenez na dapat ay blangko o pangalan ng mga pekeng kandidato ang laman ng sample ballots.
Gayunman, kahit makita ang pangalan ng isang kandidato sa ipinamigay na sample ballots ay hindi pa rin ito maaaring awtomatikong idiskuwalipika ng Comelec sa hal-alan.
Paliwanag niya, ang kinakailangan ay may magreklamo laban sa naturang kandidato para maimbestigahan kung sino ang tunay na nasa likod nito, bunsod ng posibilidad na pakana lamang ito ng kanyang kalaban sa eleksiyon.
Ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ay matagumpay na naidaos sa bansa kahapon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.