CAVITE-BUMULAGTA ang sinasabing notoryus narco trader makaraang kumasa sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng pulisya sa bayan ng Naic nitong Biyernes ng madaling araw sa lalawigang ito.
Kinilala ng pulisya ang napatay na drug trader na si Diego Flores ng Brgy. Timalan, Naic, Cavite.
Base sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, inilatag ang anti-illegal drug operation ng Naic MPS sa pamumuno ni Lt. Allan Antang sa pakikipag-ugnayan sa PDEA 4A.
Nabatid na nagpanggap na poseur buyer ang isang pulis sa suspek subalit nakatunog itong pulis ang kanyang ka-deal kaya kumasa ito.
Nakipagbarilan ang suspek laban sa mga operatiba hanggang sa mapatay kung saan narekober sa crime scene ang isang cal. 38 revolver na kargado ng 3 bala at 2 basyo ng bala nito.
Narekober din sa suspek ang isang red bag na may 12 plastic sachets na shabu at mark money na ginamit sa anti-drug operation habang isinailalim naman sa autopsy examination ang cadaver ni Flores at pina-chemical analysis naman sa Cavite Provincial Crime Laboratory. MHAR BASCO