CAMP CRAME – KINONTRA ni Philippine National Police (PNP) Officer-In-Charge, Lt. Gen. Archie Gamboa ang massive failure report on drug war ni Vice President Leni Robredo na 18-araw namuno sa Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Sa pagharap sa mga reporter sa Camp Crame, sinabi ni PNP Officer-In-Charge, Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa na ang pagtingin ni Robredo sa mga numero sa kanyang 40-page drug war report ay mali.
“Ang ginawa niya, quinote niya ‘yung PDEG (Philippine Drug Enforcement Group) that there are three tons consumption per week for the drug problem in the Philippines and then inequate niya ito sa drugs recovered. ‘Yung appreciation niya doon sa statistics na ‘yun is wrong,” ayon kay Gamboa.
Inamin din ni Gamboa na nasaktan sila sa pananaw at obserbasyon ng bise presidente sa kanilang anti-illegal drug operation at hindi ikinonsidera na 55 pulis ang nasawi sa paglaban sa mga sindikato ng droga.
Sa panig naman ni PNP Deputy Chief for Operations, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, chairman ng Oversight Committee on Anti-Illegal Drugs na hindi natingnang mabuti ni Robredo ang tunay na isyu sa drug menace.
Gayunman, sinabi ni Cascolan na handa silang i-brief si Robredo hinggil sa kanilang operasyon laban sa anti-illegal drug operations.
“If only she would be able to give us the time to brief her… maybe she would be able to understand… ang kulang lang po siguro ni Vice President is she was not able to focus on the issues and concern of this drug problem which she has to know,” ayon pa kay Cascolan.
Sa ngayon ay nakapokus ang drug war ng pamahalaan laban sa mga high value target at hindi nila sinusukuan ang kanilang krusada na linisin ang Filipinas mula sa droga.
“We do not let up in our operations… we look in our list of high value targets, we do not just operate but we have to research on them basically on their finances,” dagdag pa ni Cascolan.
Bagaman hindi pabor sa kanila ang naging ulat ni Robredo, pinasalamatan pa rin ni Gamboa ang bise presidente sa mahigit dalawang linggo nitong pagiging drug czar. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM