DRUG WAR NAGPAPATULOY

DRUG WAR

CAMP CRAME – TULOY ang giyera kontra droga ng pamahalaan  at patuloy ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa drug personalities at sindikato.

Ayon sa datos na inilabas ng RealNumbersPh na petsa mula July 1, 2016 hanggang June 30 ng taong kasalukuyan, nadagdagan ng 3.16% o 102, 630 ang Anti-drug Operations na naisagawa ng pulisya.

Ito ay bunga ng sunod-sunod na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) katuwang ng PNP  laban sa mga pusher.

Tinatayang 147,802 na drug personalities naman ang naaresto. Ito ay 3.12% na pagtaas ng bilang ng mga nasukol ng pulisya at kasalukuyang nakapiit habang ang tinatayang 4,354 naman ay bilang ng mga namatay sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

Ang kampanyang ito ng gob­yerno tungo sa Drug Free Philippines ay nakapagtala ng 52 na bilang ng uniformed personnel na nahuli na lumabag sa Republic Act No. 916 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang bilang na ito ay 8.33% na pagtaas mula noong May 15 ng kasalukuyang taon.

Hindi lang ang mga uniformed personnel ang nabigyan ng leksyon kundi maging ang 245 na bilang ng empleyado ng gob­yerno, tumaas ito ng 1.66%. Ang nakaaalarmang bilang naman ng mga elected official na naaresto ay tumaas ng 5.3% o 229 katao na nahuli sa kaliwa’t kanang operasyon.

Sa mga operasyon, nakapagkumpiska ang awtoridad ng 2738.73 kilo ng shabu na may street value na 14.66 bilyong peso, tumaas ito ng 315.01 ­milyon noong Mayo 15. Sa datos na ito, 714.92 kilos ay galing sa mga smuggling at ang 318.39 ay manufactured.

Ang operasyon ng awtoridad ay hindi lamang nakasentro sa mga barangay, mahigpit din nilang binabantayan ang iba’t ibang entry points ng mga ipinagbabawal na gamot. Kabilang sa mga lugar na ito ay ang mga coastline, pali­paran, pantalan, at maging sa mga mail at parcels.

Humigit kumulang 21.29 ­bilyong piso ang kabuuang halaga ng mga nasawatang droga sa loob ng halos dalawang taon ng drug war. Ang halagang ito ay binubuo ng mga nakumpiskang droga, mga Controlled Precursors and Essential Chemicals (CPECs) at mga laboratory equipment.

Ayon din sa datos, may ­kabuuang 6,562 bilang ng mga barangay ang naiulat na drug free na, na ang ibig sabihin ay ang mga nasabing barangay ay wala nang mga ilegal na aktibidad kaugnay ng droga, wala nang pumapasok na drug supply, naisara na ang mga laboratory at chemical warehouse, taniman ng marijuana, drug dens at nahuli na ang mga pusher at user.

Dahil din sa malawakang operasyon kontra droga, tinatayang nasa 1,161 ang bilang ng mga menor na nailigtas at ng-yon ay nasa ­pangangalaga ng DSWD. MARY ROSE AGAPITO – OJT

Comments are closed.