BULACAN – NANANATILING matatag at lumalakas pa ang ekonomiya sa Central Luzon partikular sa lalawigan ng Bulacan.
Ito ay sa kabila ng pahayag ng Amnesty International na ang lalawigan ang umano’y ‘pinakamadugong lugar’ sa Filipinas sa giyera kontra sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni DTI Provincial Director Zorina Aldana, hindi pinansin ng mga negosyante at mamumuhunan ang pahayag ng Amnesty International.
Aniya, ang DTI bilang economic agency, ay walang negative impact. Ito ay dahil kung tatanungin ang mga negosyante, mas pabor sila sa war on drugs, hindi dahil may mga namamatay kundi security na rin ito sa kanilang negosyo.
Sa datos ng DTI, nakapagtala ang Bulacan ng P92 bilyon bagong pamumuhunan noong 2018 at Board of Investments (BOI).
Nilinaw ng opisyal na patuloy rin ang pagdami ng mga nagbubukas na bagong negosyo, kaya sunod-sunod naman ang pagbubukas ng mga Negosyo Center sa bawat bayan sa lalawigan, na ngayo’y nasa 15 pasilidad na ang nagpaparehistro ng Business Name.
Nilinaw ni Aldana, na ngayon pa lamang na nangangalahati ang taong 2019, mahigit 6000 na mga bagong negosyo ang nabuksan at nairehistro sa mga Negosyo Center.
Mula naman noong 2015 hanggang sa kasalukuyan, aabot na sa mahigit na 40,000 mga bagong negosyo ang nabuksan sa probinsya.
Dahil ito sa masiglang-masig la ang industriya ng real estate, renewable energy at construction. At nagpapatuloy pa rin ang development bilang bahagi ng Build-Build-Build projects.
Bunsod nito’y asahan ang biglaang paglobo ng negosyo dahil na rin sa construction ng North-South Commuter Railways (NSCR).
Ito ay bahagi ng mga proyekto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung saan pinamamadali na ang paggawa ng Malolos-Clark Airport segment at ang paggawa ng New Manila International Airport sa Bulakan.
Kaugnay nito, dahil sa mga positibong paglago sa ekonomiya ng lalawigan nakapagtala na ito ng 7.1 na porsiyento ng paglago ng ekonomiya. THONY ARCENAL
Comments are closed.