DRY RUN SA COVID-19 VACCINATION ROLLOUT

NAVOTAS

NAGSAGAWA ng simulation para sa COVID-19 vaccination rollout sa Navotas Polytechnic College (NPC) kung saan nakalagay din ang vaccine cold room ng pamahalaan lokal.

Layon ng naturang drill na ma-assess ang kahandaan ng pamahalaang lokal sa isasagawang pagbabakuna at mabatid kung ano pa ang kinakailangan gawin upang maayos ito.

“The drill will help us assess our readiness for the citywide COVID-19 immunization and enable us to see what needs to be improved on,” ani Mayor Toby Tiangco.

Inaasahan na darating ngayong Pebrero ang unang batch ng vaccines na ang target ng lungsod ay makapagbakuna ng 1,500 kada araw.

Ang simulation noong Biyernes ay ang pangatlo sa series ng mga dry run na isinagawa ng lungsod bilang paghahanda para sa vaccination rollout.

Kasama sa mga senaryo ang pagtugon sa isang pasyente na nakakaranas ng hindi kanais-nais na reaksyon sa bakuna at pagdadala ng mga bakuna mula sa NPC patungo sa iba pang inoculation sites.

Naglaan ang Navotas ng paunang P20 milyon para sa COVID-19 vaccination program para mabakunahan ang may 103,000 residente at hindi residente na nagtatrabaho sa lungsod at may edad 18 pataas. EVELYN GARCIA

Comments are closed.