PINAG-AARALAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasagawa ng dry run sa pag-ban sa mga sasakyan na driver lamang ang sakay sa EDSA tuwing rush hour sa susunod na linggo.
Sa kasalukuyan ay pinaplantsa na ng MMDA ang mga panuntunan sa expanded high occupancy vehicle lanes na planong ipatupad sa kahabaan ng EDSA bago matapos ang Agosto.
Lumitaw sa pag-aaral ng MMDA, 70 porsiyento ng mgasasakyang dumadaan sa EDSA tuwing rush hours o mula ala-6 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at mula ala-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi ay driver lamang ang sakay.
Plano ng MMDA na hulihin ang mga lalabag sa pamamagitan ng kanilang No Contact Traffic Apprehension upang maiwasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko.
Nilinaw din ni MMDA General Manager Jojo Garcia na para sa kaligtasan ng mga motorista ay hindi nila hinihikayat ang mga ito na magsabay ng mga estranghero na kanilang madadaanan.
Maaari naman aniyang isabay ang asawa o pamilya kung iisa lang ang kanilang pupuntahan o mga kaklase at katrabaho.
Binigyan diin ni Garcia na kailangan mabawasan ang volume ng mga sasakyan sa EDSA upang matugunan ang matagal nang problema sa trapiko.
Aminado si Garcia na short-term solution lamang ang polisiyang ito sa problema sa trapiko at ang magbibigay aniya ng long-term solution ay ang “Build, Build, Build” infrastructure project ng Duterte administration.