“HINDI magbibilad ng palay kung sapat ang drying facilities.”
Ito ang naging reaksiyon ni Senador Kiko Pangilinan kaugnay sa bantang pagpapakulong sa mga nagpapatuyo ng palay sa mga national road.
Tinukoy ni Pangilinan na kung mayroong public mechanical drying systems, lalo na ang gumagamit ng libreng solar energy ay hindi magpapatuyo sa sementadong kalye ang mga magsasaka dahil sa alam ng mga ito na hindi ito makatutulong lalo na’t maraming naaaksayang palay.
Iginiit pa ng senador na alam ito ng pamahalaan alinsunod na rin sa naging pag-aaral noong 2010 na may 5.9% ng ani ng palay ang naaaksaya dahil sa inefficient na pagpapatuyo at kung ang rice production ngayong taon ay mga 13 million metric tons (sa tantya ng Food and Agriculture Organization), iyan ay katumbas ng 767,000 metric tons ng palay.
At kung aniya, lahat ay magigiling nang maayos at walang tapon, at ito ay katumbas ng 767 milyong kilong bigas na kung may-roong 100 milyong Filipino, mahigit tig-7 kilong bigas ang nakalaan sa bawat pamilya.
Panahon na umano upang ipatupad ang pagkakaloob ng post-harvest facilities ng pamahalaan na nakikitang solusyon para sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas. VICKY CERVALES