ANG mga estudyante mula sa mga mahihirap na pamilya ay maaaring makakuha ng tulong pinansyal para sa paparating na school year matapos mag-anunsiyo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng programa na magbibigay ng one-time cash aid para sa kanila.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, ang mga maaaring kumuha ng cash aid ay: mga kabataan mula sa mahihirap na pamilya mga anak ng solo parents, may sakit, at persons with disability (PWD) mga ulila o mga batang inabandona mga anak ng mga drayber ng tricycle at jeep, mga tindero o tindera, at mga kasambahay.
Ayon kay Tulfo, uunahing bigyan ang mga pinakamahirap, mga walang kinikita, at mga nakatatanggap ng mababang sahod. Para sa mga kumikita ng mas mataas sa minimum wage, nakiusap si Tulfo na magbigay daan para sa iba.
Mabibigyan ng cash incentive ang mga sumusunod:
₱1,000 para sa mga estudyante sa elementarya
₱2,000 para sa mga estudyante sa high school
₱3,000 para sa mga estudyante sa senior high school
₱4,000 para sa mga estudyante sa kolehiyo o ‘yung mga kumukuha ng vocational courses.
Hanggang tatlong bata sa bawat pamilya lamang umano ang mabibigyan ng tulong pinansyal.
Matapos ang naganap na overcrowding sa main office ng DSWD sa Quezon City noong ika-20 ng Agosto, sinabi ng ahensiya na ang mga kwalipikadong makatanggap ng ayuda ay dapat mag-register muna online bago pumunta sa mga distribution sites. Hanggang ika-24 ng Setyembre na lamang umano ang gagawing distribusyon ng ayuda, at hindi na raw papayagan ang mga walk-in.
Habang hindi pa inaanunsiyo ng DSWD ang magiging online registration system, maaaring makausap ang ahensiya sa pamamagitan ng kanilang mobile number na 0931-796-0362 o sa email address na [email protected]. Ang mga kwalipikadong aplikante ay nangangailangang makatanggap ng kumpirmasyon mula sa DSWD bago sila pumunta sa distribution site.
Ang mga magulang ng mga bata mula sa elementarya ang kinatawan ng mga estudyante sa pagkuha ng benepisyo, habang ang mga estudyante mula sa high school hanggang kolehiyo ay maaaring direktang kumuha ng kanilang benepisyo.
Kailangang ipakita ang enrollment form ng estudyante, valid ID o school ID upang makakuha ng cash assistance. Ayon kay Tulfo, ginawa nilang mas magaan ang mga requirements upang mas maraming tao ang makakuha ng tulong.
Nasa ₱500 milyon ang inilaan na badyet para sa cash aid para sa mga nangangailangang estudyante.