DSWD KULANG SA PASILIDAD SA MAHUHULING BATANG PALABOY

AMINADO ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na wala silang sapat na pasilidad para sa mga mahuhu­ling batang palaboy sa lansangan.

Sa ginanap na press briefing sa Malakanyang ay  sinabi ni DSWD Acting Secretary Virginia Orogo na sa ngayon ay mayroon lamang 72 centers ang kagawaran sa Metro Manila subalit ang iba pa nito ay okupado ng mga senior citizen.

“We can’t place all (the accosted children) in our centers because we have limited centers,” wika ni Orogo.

Sinabi ng kalihim na maglulunsad ang DSWD ng panibagong programa na tatawaging “Silungan ng Barangay” na ilalagay sa mga barangay hall na aniya’y na­ngangailangan ng pag-agapay mula sa mga indibidwal sa bawat barangay.

Ang naturang programa ay maaaring  magsimula sa susunod na buwan ng Hulyo.

Sa ngayon ay ipinaaayos nila ang ilan sa mga center at pinadaragdagan pa nila ng tig -50 mga higaan kada center.

Ayon kay Orogo, inaasahan na ng kanilang hanay na mapupuno ang kanilang mga pasilidad matapos ihayag ni Pangulong Duterte na paiigtingin na ng pamahalaan ang kampanya kontra sa mga batang palaboy.

Tiniyak ni Orogo na agad nilang ipoproseso ang mga batang isusuko sa kanila ng mga pulis at mga opisyal ng barangay.

Pansamantalang kukupkupin ang mga batang walang masilungan, walang kaanak at pawang mga nasa lansangan lamang natutulog.

Paliwanag pa ni Orogo na makatutuwang ng kanilang hanay ang Department of Interior and Local Government, Department of Education, at Department of Health.

Ayon pa kay Orogo ma­ngangailangan sila ng mala­king bilang ng mga tauhan sapagkat may kabuuang 42,000  ang mga barangay sa buong bansa.

Nauna nang ipinag-utos ni Duterte ang pag-aresto sa mga menor de edad na 18 taong gulang pababa na palaboy-laboy sa mga kalsada lalo na tuwing gabi.        EVELYN QUIROZ

Comments are closed.