NANAWAGAN ang vice-chairman ng House Committee on Appropriations sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gamitin na ng ahensiya ang natitira nitong mahigit sa P83 bilyon na pondo para makapagpaabot ng tulong sa libo-libong pamilya na sinasalanta ng nakaraang mga bagyo.
Paalala ni Quezon City Fifth Dist. Congressman Alfred Vargas, mas mainam na mapakinabangan ang nasabing ‘unreleased fund’ ng DSWD kaysa sa mag-expire ito sa katapusan ng taong kasalukuyan.
“The DSWD should go all out and spend up to the very last cent of its funds to ease the poor’s suffering, especially as this challenging year draws to a close. Dapat maramdaman ng ating mga kababayang nasalanta ng kalamidad ang kalinga at malasakit ng pamahalaan,” ang mariing pahayag pa ng House panel vice-chairnan.
Giit ni Vargas, ngayong marami ang nanawagan ng tulong matapos ang paghagupit ng typhoons Rolly at Ulysses, dapat magdoble-kayod ang naturang government agency at ang paggamit sa naiiwan pa nitong badget ay malaking bagay para sa typhoon victims.
“DSWD cannot let its unused funds simply expire at a time when many Filipinos need help. It should work double time to extend assistance to typhoon victims so they can start anew,” sabi ng Quezon City lawmaker.
Sa isinasagawang Senate plenary deliberation para sa proposed 2021 national budget nitong linggong ito, napag-alaman na ang ahensiya ay mayroong P75 bilyon na ‘unused funds’ sa ilalim ng 2020 appropriation at P1.5 bilyon pa mula naman sa 2019 budget nito.
Bukod pa umano ang P6.7 bilyon na “unobligated funds” ng DSWD mula sa dalawang “Bayanihan” laws na inaprubahan ng Kongreso bilang tugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Base sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 835,399 pamilya o mahigit 3.5 milyon na katao sa Luzon ang apektado ng typhoon Ulysses pa lamang at karamihan sa mga ito ay nangangailangan pa rin ng tulong hanggang sa ngayon. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.